Thursday, September 29, 2005

Wake me up when October ends

Grabe ang linggong ito. Noong Lunes, nag-training kami sa QC tapos pinabalik ako ni Ma'am sa office dahil gagawin ko pa yung powerpoint presentation nya para kinabukasan. Na-miss ko na nga yung meeting namin nung umaga kaso nagpaalam ako ke Ma'am at sabi ko requirement yung training sa school at yun lang ang time na available yung mga bata. Pagdating sa office, isinama na ako ni Ma'am sa condo nya at dun na ako pinagtrabaho. Umuwi ako ng 10 pm.

Tuesday. Attack sa research presentation tapos nagbilin si Ma'am ng mga gagawin ko. Pumasok na ako sa klase pagdating ng 4 pm.

Wednesday. Nag-tally ako ng questionnaires para sa research ng office at gumawa ng narrative report base sa powerpoint presentation ni Ma'am. Noong gabi, inasikaso ang raket. Nagbilin din ako sa pinsan ko kung ano pa ang mga ieempake dahil...

Lilipat na nga pala kami this Saturday! Sa gitna ng mga papers sa school at mga ginagawa sa office, eto at kailangan kong asikasuhin ang paglilipat. Nakakawindang!

Sa mga maghahanap sa akin, sa San Andres na ako titira. Grabe, palayo na ako ng palayo sa aking beloved QC! Palipat-lipat ako ng bahay minsan naisip ko ngang mag-pilgrimage sa lahat ng mga tinirhan ko.

Eto ang ruta: UP Bliss (hindi ko na nga matandaan kung ano'ng unit. Freshie pa ako nun e), Crame sa Cubao, KNL (that's Krus na Ligas in UP), Tatalon (sa me Sto. Domingo), San Diego (sa me Dapitan, Sampaloc), Road 20 (Project 8), Miguelin (sa me España, Sampaloc) at San Andres.

Bakit kami lilipat? Naku, mahaba ring istorya.

Back to work muna ako. Extra Busy-ness na ito hanggang October.

Monday, September 19, 2005

smooth operator*

nag-70s kami nina eds at mariel(kasama na rin si mary) last friday. aba, almost two months nang hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan ko. at sino ba namang makakatanggi kung ang mga kasama mo ay nagngangalang eds at mariel? walwalan e! haha!

the jerks ang tutugtog. ayus! ang tagal ko na rin silang hindi naririnig mag-perform. nag-request ako, "malayo na ang puso". gagu yang sina mariel e, sinabi kay chikoy na birthday ko. nagtaka si chikoy, bakit birthday ko e yun ang ni-request kong kanta. ehehe. circa '99, wala akong kasama sa aking pighati kundi ang album ng the jerks at hole.

back to memory lane na itu. swabe. galing!

para sa continuation, sa isang blog ko na lang. ehehe. basta dalawa lang ang masasabi ko. una, good judge of character na ako. pangalawa, wala pa rin akong kupas.*

Wednesday, September 14, 2005

Paalam Haydee Yorac

Naku, siguradong babanggitin na naman ni Conrado de Quiros sa pitak nya kung bakit ba mga alagad ng sining at mabubuting public servants ang namamatay katulad nina Nick Joaquin at Raul Roco at hindi mga crooks sa gobyerno?

Si Miriam, hands down talagang idol ko yan kasi matalino at magaling magsalita. Pero mas dapat palang kahangaan si Yorac kasi hanggang sa huli ay hindi nya kinompromiso ang kanyang prinsipyo. Hindi sya lumuhod sa mga kung sino man ang kasalukuyang nanunungkulan katulad ni Miriam na naging staunch defender ni Erap at ngayon naman ay ni Gloria.

At single pala sya, ngayon ko lang nalaman. Sabi ni Yorac sa panayam nya sa Inquirer, "I do not agree with the assumption that being married is the summum bonum that every woman should aspire for."

May isa pang kwento tungkol sa kanya na na-amuse ako. Habang nakakulong sya nung martial law, itinuloy nya ang hilig sa pagbabasa. (At pareho pa naming paborito si Gabriel Garcia Marquez!) Sabi nung kapwa niya preso, "Kaya kayo nakulong, basa kayo ng basa."

Mabuhay po kayo, Ma'am! Kayo ay tunay na inspirasyon ng kababaihan at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Tuesday, September 13, 2005

where art thou, comrades?

nakakatakot ang pagbabago. nakakapanghina. nasaan na ang mga kasamahan ko na kasabayang nag-rally sa ayala para sa budget cut? nasaan na ang orgmates ko na pasimuno ng student movement noong nasa kolehiyo kami?

kababasa ko lang ng young blood article ni orgmate. nakakapanghina. nagbago na siya. nagbago na sila. at nakakatakot din. ako lang ba ang hindi nagbabago? o nabubulag lang ako sa aking "maling" paniniwala?

tinutudyo ako ni best friend. o, asan na ang mga kaibigan nating aktibista? ayun at nasa ibang bansa at nagsisilbi sa mga banyaga. yung nag-recruit sa akin, hayun, nung muli kaming nagkita ay beso beso na lang. ni wala nang pagbanggit sa aming pinagsamahan dati. malamang hindi na sya aktibo.

hindi ko mapigilang isipin na ginawa lang nilang tuntungan ang aktibismo upang makilala at mabigyan ng pagkakataon na humawak ng student council o kaya naman ay posisyon sa org o student paper.

o baka naman sadyang ganon na kapag nakaalpas sa paaralan ay sabay ding aalpas ang lahat ng ideyalismong kanilang pinanghahawakan (iyon ay kung meron nga. tingnan ang naunang paragraph). dahil lang ba ito sa kapusukang hatid ng kabataan?

o kaya pag andyan na sa tinatawag na real world, andyan na ang realidad na kailangang kumayod upang suportahan ang sarili at pamilya. walang kwenta ang pagra-rali kung kumakalam ang sikmura, ika nga.

gising, mayang! wala na sa uso yang mga pinagsasasabi mo. we have to keep up with the times. malamang yan ang sasabihin sa akin. ako talaga, aaminin ko, hindi ko kaya ang supreme sacrifice: the tibak lifestyle of stripping oneself down to the barest essentials. sino'ng magbabayad ng renta? ano'ng ginhawa ang maibibigay ko sa aking pamilya? (note: future tense itu) paano na ang aking mala-magasin na pangarap? aaminin ko, burges pa rin ako pagdating dyan.

kung tutuusin, hindi naman ako yung tipikal na aktibista. hindi ako palasalita. konti nga lang ang nakakakilala sa akin e. hindi ako prominent figure. wala ako sa entablado, nasa likod ako nito. maaaring sabihin ng iba wala akong karapatang ituring ang sarili ko na aktibista. maaaring kwestyunin nila ang aking kontribusyon.

ako ay nasa propaganda. ako ay nasa behind the scenes. panulat ang aking sandata. naniniwala pa rin ako na hindi basura ang mga sinusulat ko, na may kakayahan itong makaimpluwensya kahit isa o iilang tao. masaya na ako nun pero alam kong marami pang dapat gawin.

ayokong mawala ang apoy sa aking pagkatao. kaya ako nag-aaral, kaya ako nananatili sa trabaho ko, dahil ito ang nagsisilbing gatong sa apoy, sa mismong core ng aking pagkatao. ito na ako. at ito ang buhay na susundin ko.

ganun din naman silang mga dati kong orgmates at comrades. may kakayahan silang lumikha ng sarili nilang apoy ayon sa kanilang pagpapakahulugan dito. bakit pa ba ako magtataka? sa huli ay naibsan na rin ang duda ko sa sarili ko at sa kanila at nanumbalik ang tiwala ko sa sangkatauhan.

keep the fire burning!

Monday, September 05, 2005

Ako, ang PBB at ang Lipunan

Isa ako sa mga PBB addict. PBB as in Pinoy Big Brother. Pag hindi nyo pa naman nalaman yon e sobrang bombarded na tayo ng publicity ng ABS.

Sa inisyal na analysis, ang PBB housemates ay kumakatawan sa bawat isa sa atin. Microcosm of Philippine society ika nga. There is always a Cass, Uma, JB, Say, Chix, Rico, Jason, Jen, Nene, Bob, Raquel and Franzen in all of us, in our community. Sila ang sumasalamin sa bawat isa sa atin. Iba't iba ang ugali, iba't iba ang dynamico ng social interaction.

At hitik na hitik sa class at gender issues! Eto na naman ako sa class at gender issues na yan. E syempre ito ang pinag-aaralan ko e. Sayang nga lamang at dapat from day 1 ay nagawan ko na ng ganitong analysis at deconstruction.

Mga sample na naaalala ko:

Issue of class

Example #1. Halata namang may dibisyon sa sa PBB house. Kumbaga sa UP, coño versus everyone else hehe. Naalala ko rin nung high school at elementary, ganyang ganyan e. May outcast, merong kinakawawa, merong desperadong magpaka-in, merong walang pakialam. Sa lahat naman ng setting merong ganito, iba-iba lang ang manipestasyon pero pare-pareho ang pattern.

Lintik na JB yan, crush na crush ko pa naman nung una, ngayon turn off na ako. His classic line habang nagsasayaw sila ni Say, "Pag may mas mataas sa akin, ako yung nakiki-blend in." So ini-imply nya na mataas sya so Franzen et al should make an effort to blend in.

Example #2. Kahanga hanga ang line of thinking ni Nene noong jina-justify niya kung bakit nya ni-nominate sina Cass at Say. Say had it all daw. Maganda ang pamilya nya, komportable ang buhay nya. Si Cass naman daw, naging model na ng FHM, marami pang pintuan at oportunidad na magbubukas sa kanya.

Maaaring sabihin ng iba, e kaya nga sila sumali sa PBB dahil may pantay na tsansa sila na manalo. Unfair naman ata na ang ipanalo ay yung naghihikahos at higit na nangangailangan ng premyo. Bakit pa sila sumali, di ba?

Totoo naman na lahat sila ay binigyan ng pagkakataon na manalo. Sa 25,000 na sumubok, labindalawa lamang ang pinalad na mapili. At sa labindalawang iyon, binigyan sila ng equal opportunity na manalo. Ito ang principle ng equality. Pero ibang kaso pag principle of equity. Ito yung pagpuno sa kakulangan, pag-allocate ng resources sa mas nangangailangan upang kahit papaano ay makapantay nito ang iba at magtungo ito sa unang principle, ang principle of equality. Priciple of equity is redistributive justice. Gets na?

Kaya sa pagboto ng mga viewers, sana ay hindi lamang kapintasan ng housemate ang isaalang alang kaya go Nene ako! Siya ang sumasalamin sa akin.

Issue of gender

Example #1. Hate na hate ko talaga yung sitwasyon na ginawang king ng mga girls si Uma tapos lahat ng iuutos nya ay gagawin ng mga girls. Eto ang siste. Naka-korona at robe si Uma. Ang mga girls ay naka-belly dance costume. E kahit sino naman sa katayuan ni Uma, syempre pasasayawin nya ang mga girls. Ano ba ang sini-symbolize ng belly dance costume? Kaya hindi ko rin masisisi si Uma na na-offend nya ang mga girls lalo na si Say. Iyon ang hinihingi ng sitwasyon, sitwasyon na si Big Brother ang gumawa. Biktima rin lang si Uma ng dikta ng lipunan na si Big Brother ang kumakatawan.

Although itong si Uma ay may magka-sexist din naman talaga. Naalala ko yung part na sinabi niya kay Cas na, "Hit and run lang ako sa mga babaeng cheap, hindi sa'yo" sabay ismid. May dichotomy agad doon between the good girl and the bad girl. The bad girl is slutty so she deserves to be treated harshly?

Tapos ang dami pang sumisisi kay Say. Nag-iinarte raw. Part lang naman daw yun ng challenge, why the big fuss? Sa simula pa lang sinabi na nyang hindi nya kayang sumayaw ng ganon e pinilit pa rin sya ni Uma. Aminado si Uma sa part na ito na pinilit nga nya si Say kaya sya nag-sorry- kay Say lang. Kasi naman daw yung ibang girls enjoy na enjoy pa at saka lang nakisimpatiya kay Say nung pahuli na. Again, given the situation, binigay yon as challenge e so sa una hindi agad mare-realize ng girls na they are being treated as sex objects. Again, biktima lang sila. Dapat si Big Brother ang sisihin dahil inilagay sila sa ganong sitwasyon.

Example #2. Ang pagtatalo kung virgin pa si Teacher Raquel. Sabi ni JB, yun ba ang virgin? Nagpapamasahe ka sa lalaki tapos tatanggalin ang clasp ng bra e alam naman nyang me camera na nakaaligid? Hindi sila naniniwala na virgin pa rin si Ate Raquel e nakapito nang boyfriend. Sabi ni Chix, "Ayaw mo ba o wala lang pumatol sa'yo?"

Parang sinasabi na virgin ka pa kasi walang gustong pumatol sa'yo. Sa kabilang banda, pinagdududahan na virgin ka kasi questionable ang mga aksyon mo, sa kaso ni Ate Raquel na nagpamasahe tapos inalis yung hook ng bra.

Double standard, di ba? Wala ka nang masulingan. Yan ang mga halibawang binibigay ng Big Brother na syang sumasalamin lang sa ating buhay. Hindi ako nagpapaka-moral dito na sasabihin ko na alisin na ang Big Brother dahil wala itong itinuturo kundi sex, backstabbing at discrimination. Mas pipiliin ko pa ang ganito, na i-deconstruct ang mga sexist at discriminating messages na sa tingin natin ay normal/natural na sa lipunan pero hindi naman. Dahil nga lipunan ang gumawa nito, pwedeng pwede pa ring baguhin at ilagay sa tamang ayos.

Aabangan ko pa rin araw araw ang PBB. Ewan ko lang nga kung araw araw akong makakapanood ngayong September kasi patapos na ang sem at marami akong tatapusing requirements sa school, dagdag pa ang regular na trabaho ko sa Center.

Ang sigurado ay isisingit ko rito sa blog ang aking susunod na kuru-kuro tungkol sa PBB.

Trahedya sa New Orleans

Kawawa ang Estados Unidos, lalo na sa New Orleans na syang pinakagrabeng napinsala ng Hurricane Katrina. Aminado si Pangulong Bush na taon ang bibilangin para makabangon uli sila.

Maraming sumisisi sa pamahalaan dahil sa mabagal na pag-aksyon nito. Ang dami nang namatay, nagutom at nasadlak sa kaawa-awang kondisyon. At ang masakit na katotohanan ay mas maraming babae, mahirap at Africano Americano ang apektado sa krisis na ito.

Tunay naman na pag may conflict, katulad ng armed conflict at disaster, nawawala ang social organization at survival to the fittest ang labanan. Sa New Orleans, laganap ang nakawan at umabot sa sitwaston na may shoot to kill order na ang mga pulis upang maapuhap ang lumalaganap na kaguluhan.

Matingkad na matingkad ang mga isyu ng race, class at gender. Pinakaapektado ang mga mahihirap na African American na bumubuo sa 67 bahagdan ng populasyon ng New Orleans. Marami ring kababaihan ang hinalay.

Tigas ang pagtanggi ni Secretary of State Condoleeza Rice, ang pinakamakapangyarihang babeng Aprikano Amerikano sa bansa, na isyu ito ng discrimination, lalong higit ang rasismo. Sabi niya, ang Amerikano ay tumutulong sa kapwa Amerikano. Totoo, pare-pareho silang Amerikano pero malayo pa rin ang pinagkaiba sa isyu ng mga nabanggit ko na, ang isyu ng race, class at gender na ipinagkibit balikat lang ni Rice.

Sinasabing ang trahedyang ito ang pinakamalaking dagok sa EU since 9/11. Sana naman ay intindihin muna nina Bush et al ang kanilang bakuran bago pakialaman ang Iraq, Gaza at ang mga itinuturing nitong kalaban.

Thursday, September 01, 2005

Book Fair

New books (er, new acquisitions) for P20 to P50. Yipee!

Nasa Puso ang Amerika ni Carlos Bulosan: Isang Kasaysayan ng Buhay (Salin nina Carolina S. Malay at Paula Carolina S. Malay) P50
Love, Sex and the Filipino Communist or Hinggil sa Pagpipigil ng Panggigigil (Patricio N. Abinales) P20
Body Talk: The XYZ Guide to Young Women's Health and Body Volume 2 (Women's Media Circle) P20
Of Sex, Revolutions and Nursery Rhymes: A Parenting Experience (Olivia Hubilla-Tripon) P50
Mediations from a Filipino Perspective (E. San Juan, Jr.) P50
Fruitcake (Eraserheads) P20
A Guide to Karl Marx's Das Capital (Edberto M. Villegas) P35
The Globalisation of Poverty: Impacts of IMF and World Bank Reforms (Michel Chossudovsky) P50
The Gospel According to Peanuts (Robert L. Short) P50