Wednesday, December 07, 2005

Save Calapan!

Tiyempong naabutan ko kanina sa Magandang Umaga Pilipinas ang balita tungkol sa pagbaha sa amin sa Calapan. Sabi ni Doy Leachon, ang city administrator, umapaw/nasira (?) raw ang Bucayao dike kagabi na naging dahilan ng pagbaha sa lunsod. Wala raw kuryente at umabot na ang baha hanggang tuhod, yung iba, lalo na sa rural areas, ay may lampas tao na raw. Pati sa mga evacuation areas ay umabot na rin ang baha.

Tinawagan ko ang mama pero hindi sumasagot. Out of coverage ang papa. Si Alvin ay hindi pinipik-ap ang kanyang cel. Siguro low batt na o nagtitipid dahil wala ngang kuryente. Maya maya ay binalita ng pinsan ko na lampas tuhod daw sa amin sa Tawiran. Yung isang pinsan ko naman ay nasa bayan at hindi na makapunta papuntang office nila (na banda ron lang sa bahay namin) dahil malaki na ang tubig sa dadaanang barangay. Naku, buti na lang hindi naapektuhan ang Silonay, ang barangay na sinilangan ng aking mga ninuno. Isla kasi yon kaya pag nagkataon ay baka mabura na yon sa mapa katulad ng nangyari sa Navotas (isa ring barangay na kalapit ng Silonay).

Ano ba naman yan?! Hindi ba nila na-monitor ang pagbulwak ng tubig sa dike? Saka kahit naman hindi umapaw yon, ulan lang ng tuluy-tuloy e baha na agad sa Calapan. Tingnan mo nga nung sem break, bumaha. Pero hindi ko na naabutan yun. Ang naabutan ko lang ay pinapala na ang naipong putik sa kalsada. Hindi nga maniwala si Mariel, akala nya niloloko ko lang sya. Hindi ko na naabutan yang mga pagbahang yan. Andito na kasi ako sa ka-Maynilaan mula 1996 para mag-aral. Yung bahay namin doon ay pinataasan na, wala, inabot din siguro nitong huling pagbaha.

Kung tutuusin, matagal nang concern yang pagbaha e. Eto ang nakita kong article online: Mindoro floods from damaged dike feared. Me nabasa rin akong flood control project proposal sa NEDA website. I wonder kung ano na ang status ng mga ito. At i wonder kung ano talagang mga initiatives ang pinapatupad para rito.

Sinisisi ang laganap na logging sa lugar. Hindi ko alam kung ano'ng extent ng logging dito at sa buong probinsya. At hindi ko alam kung sino ang mga nasa likod nito. Ang malinaw ay ngayon higit na nararamdaman ng mga tao ang epekto nito. Sabi nga ng isang nakakatanda dun sa amin, sa tanda raw nya na iyon ay ngayon lang sya nakaranas ng baha. Grabe, magpapasko pa naman.

Isang malaking dagok na naman ito sa probinsya kasama na ang mga dating isyu katulad ng pagpatay sa mga human rights activists, laban sa mining, mataas na singil sa tubig, laganap na droga, mahinang huli ng mga mangingisda at mababang productivity ng mga bukirin at ang pangkalahatang kahirapan.

Nananawagan kami sa mga kinauukulan na magbigay ng karampatang tulong sa mga na-displace ng baha. Nananawagan rin kami na ipatupad ng maigi ang mga flood control projects na yan. Higit sa lahat, no to logging and mining!

Gusto ko ring ipabatid at hilingin sa mga makers ng Coconet, yung nanalo sa BBC, na i-extend ang kanilang teknolohiya sa amin sa pakikipagtulungan ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan. Bago pa man ang bahang ito ay kinakain na ang lupa sa coastal communities partikular sa aming barangay sa Silonay. Nawa ay maipaabot sa inyo ang aming panawagan upang hindi na magkaroon pa ng mas malaking pinsala.

Ngayon na! Kumilos na!

1 Comments:

At 7:23 AM, Anonymous Anonymous said...

oh no! sana ay mag-subside na ang baha...i hope everything will be ok

j

 

Post a Comment

<< Home