Thursday, March 31, 2005

Maristel Garcia: Manggagawa at Unyonista ng SM

Ako si Maristel Garcia, isang organisador ng mga manggagawa sa Shoe Mart (SM). Nineteen years old ako noong pumasok ako sa SM bilang sales clerk. Nag-asawa ako noong 21 years old ako.

Ang aking napangasawa, si Francis Garcia, ay katrabaho ko rin. Janitor sya. Pag pumasok ka kasi sa SM, yung buong panahon mo andun na lang sa loob. Papasok ka sa umaga tapos gabi ka na uuwi. Matutulog ka tapos papasok ka na ulit kinabukasan. Kaya naman mas mahaba ang panahon mo dun sa nakakasalamuha mong katrabaho. Noong simula pa lang ng pagtatrabaho ko noong 1984, sa Project 4 sa kapatid ko ako nakatira. Ngayon, sa Fairview na kami nakatira ng asawa ko at apat na anak.

Unang trabaho ko talaga itong sa SM Makati. Diyan ako nagsimulang magtrabaho at diyan din ako natapos. Andiyan din naman yung alok ng kumpanya na alinman bilang inventory clerk o supervisor. Hindi ko yun tinanggap kasi pag ikaw ay na-promote, hindi madadagdagan ang sweldo mo. Tapos, ayoko nung kinokontrol ako ng kumpanya. At least pag sales clerk pa rin ako, malaya ako kung ano ang gusto kong gawin at malaya akong makakakilos para tumulong at sumuporta sa iba pa naming kasamahan.

Ang unyon namin ay Sandigan ng mga Manggagawa sa SM. Dahil malaki ang bilang ng kababaihan sa SM, na umaabot ng 85%, kami ay nagpa-miyembro sa GABRIELA.

Pagsali sa Unyon ng SM

Ang nagbunsod talaga sa akin para sumama sa unyon ay dahil na rin doon sa dinaranas namin sa loob ng SM. Halimbawa ay yung sexual harassment tapos pangalawa yung job security namin bilang manggagawa dahil walang katiyakan yun. Ganun din naman ang oras ng pagtatrabaho kasi dati ay 9 hours e dapat 8 hours lang. Dahil sa matinding pagsasamantala sa amin ng may-ari ng SM na si Henry Sy, iyun ang magtutulak sa’yo para sumama sa unyon. Dati kasi ay company union lang yan at ito ay boses ng kapitalista.

Ang matindi talagang naranasan namin diyan ay sobrang kahigpitan lalo na yung sa pagsi-CR. Hindi ka kasi basta-basta makakaalis sa punwesto mo para mag-CR o kaya uminom man lang ng tubig kapag nauuhaw. Kailangang magpaalam ka sa supervisor mo o manager at nakadepende pa iyon kung papayagan kang umalis sa puwesto.

Merong pagkakataon na ihing-ihi na ako at ako lang yung mag-isa sa puwesto ko. Nagpaalam ako sa supervisor ko kung pwedeng mag-CR muna ako. Sabi ng supervisor ko ay hindi ako pwedeng umalis hanggang wala akong makakapalit ako sa puwesto. Kesa naman maihi ako sa aking saplot, umalis ako at nag-CR din. Pagbalik ko, tinanong ako kung bakit ako umalis at bakit hindi man lang ajko naghintay ng kapalit ko bago ako umalis. Kahit ano’ng katwiran ko ay hindi nila pinakikinggan.

Kapag nagkasakit ang mangagawa, hindi rin basta-basta nakakapag-file ng sick leave. Nangyari nga diyan, doon pa lang sa trabaho ay masama na ang pakiramdam ko. Nilalagnat ako kaya kinabukasan ay hindi na ako pumasok. Dalawang araw bago ako pumasok, nagpatingin muna ako sa doktor sa labas dahil requirement ang medical certificate.

Pagpasok ko, hindi tinanggap ang leave ko at sabi ay kailangan kong hintayin ang doktor ng kumpanya. Itse-check up ulit ako kung totoong may sakit nga ako. Kaya lang dumating yung doktor pagkatapos pa ng dalawang araw. Ang nangyari, nung itse-check up na ako, wala na akong sakit. Ang ginawa ng doktor, hindi niya ino-honor yung two-day leave ko at ang binigay sa akin ay unauthorized absent. Hindi raw ako pinapayagan para um-absent.

Pag-oorganisa ng mga kababaihang mangagawa

Noong 1992, nahalal ako bilang bise presidente ng unyon hanggang sa maging secretary general ako. Hawak ko yung komiteng pangkababaihan. Noong naging kasapi ako doon, nakita kong kailangan pang kumbinsihin at organisahin ang mga kasapi ng mangagawang kababaihan sa SM. Tumulong ako sa pagpapaliwanag sa kanila hanggang sa inatasan nila akong maging chairperson ng komite. Naglunsad kami ng pag-aaral pangkababaihan. Tapos, kung anuman yung mga hinaing ng mga kababaihang manggagawa, halimbawa ay sa usapin ng sick at maternity leave, ako ang tumutulong sa kanila.

Ang GABRIELA ang tumutulong sa amin para mag-educate. Noong panahon ng welga, malaki ang naitulong nila sa amin sa pakikipag-ugnayan sa media at sa paghahanap ng mga alliance para sumuporta dito sa laban namin sa SM.

Malaking balakid talaga sa pagkilos namin ang management. Sila ay malaking tinik sa lalamunan para maipagpatuloy ang pag-oorganisa kasi bawat kibot ay binabantayan. Hirap na hirap talaga kaming lumarga nang hindi nalalaman ng management.

Ang isa pang nagiging balakid diyan ay ang iba’t ibang katangian ng mga manggagawa. Mayroong sumasang-ayon o nakukumbinsi mo sa pagpapaliwanag. Meron ding kumukontra sa mga ipinapaliwanag mo. Doon nagtatagal ang pago-organize. Kailangang maglabas ng mahabang pasensya. Talagang lahat ng nasa kadulu-duluhan ng utak mo ay mahuhugot. Higit sa lahat, dapat maghanap ng iba-t ibang pamamaraan upang iangkop sa kausap yung mga ipapaliwanag para makumbinsi sila.
Tapos 2003 noong nadurog ang unyon. Nagwelga kami mula March hanggang October 2003. Noong September, nag-decide na hindi na raw kami makakabalik ng trabaho.

Nabuwag ang unyon namin sa pamamagitan ng sabwatan ng Department of Labor (DOLE) at saka ng management. One week pa lang kaming naka-welga, andiyan na ang order ng DOLE ng assumption of jurisdiction. Tapos, habang nagne-negotiate ang unyon at management, nag-uusap na rin ang management at ang DOLE na i-push through ang pagtanggal sa mga sumama sa welga. Ang natanggal sa amin noong panahon ng welga ay nasa 243 na mga regular na manggagawa mula sa anim na branches namin na sakop ng unyon.

Tapos, gingiit ng kumpanya na hindi na kami ang Shoe Mart Incorporated. Regular employee talaga kami at kami ang original employees. Yung mga nasa malls, yun ang pinapalabas ng kumpanya noon na mga affiliate lang niya. Hindi ina-admit ng management ng SM na kanila ang mga malls na iyon. Hindi iyon pag-aari direkta ng SM kundi pangalan lamang ang binibili. Ngayon, kami na ang lumalabas na affiliate. Yung mga nasa malls na ang itinuturing ng management na SM Inc. Binaligtad ang sitwasyon.

Pag-oorganisa pagkatapos mabuwag ang unyon

Sa kabila ng pagkakatanggal sa amin, naiipagpatuloy pa rin naman yung pagkilos sa pamamagitan ng pag-oorganisa. Sa ngayon, nag-oorganize kami sa mga communities saka sa mga factory. Ang area ko ay isang community sa Makati, sa Tejeros tenement. Pag sinabi mo kasing community, iba-iba ang katangian nyan. May mga mangagawa at meron din namang andun din sa community katulad ng mga kananayan. Minsan ay napupunta pa kami sa South, sa Taguig.

Ang pagkakaiba, ang mga ino-organize ko dati ay mga kasamahan ko sa trabaho. Kumbaga, kakilala ko na. Minumulat mo na lang at pinapa-miyembro sa unyon. Ngayon, dahil ito ay mga kananayan, kitang-kita mo ang limitasyon sa panahon.

Sa pamamagitan ng pag-oorganisa ko sa komunidad, nakikita ko na rin ang sarili ko bilang nanay, may anak, may responsibilidad sa buhay at sa komunidad. Mahirap kung titingnan natin. Paano mo pagsasabayin, paano mo hahatiin ang panahon mo para sa dalawa mong responsibilidad na ito? Pero dahil na rin nasa puso ko ang pag-oorganisa, nagagawan ko ng paraan kung paano hahatiin ang panahon sa pamilya at inoorganisa.

Kahit gaano pa kahirap ang trabaho ko, talagang hindi ko ito tinitingnan na mahirap kundi parte ng pag-ikot ng aking buhay. Nasimulan ko na ang trabahong ito e. Parang hindi ko na siya tinitingnan na, “Hindi ko kaya yan.” Dahil ito na ang gawain ko, ang hahanapin ko na lang ay kung paano yung pamamaraan para hindi ko maramdaman yung hirap ng pag-oorganisa saka yung pagpapatakbo o pangangasiwa sa aking pamilya.

Ang isang maganda rito, dahil ang asawa ko ay isa ring organisador at naiintindihan niya yung trabaho ko, katulong ko rin sya sa gawain sa bahay. Naghahati kami sa trabaho sa bahay para makapagbigay rin kami ng panahon sa mga area namin. Yung mga anak ko ay sumusuporta rin sa aming pagkilos.

Ang pinagmulan ni Maristel

Ako ay tubong La Union. Sampu kaming magkakapatid at pangpito ako. Noong bata ako, gusto ko sanang maging teacher. Kapag tinatanong ako ng nanay ko, “Ano’ng gusto mo paglaki mo?” Sabi ko, gusto kong maging teacher. Kaya lang dahil sa maagang namatay ang nanay ko, hindi na rin ganoon ang nangyari. Dahil na rin sa hirap ng buhay namin (magsasaka ang mga magulang ko), at sa dami naming magkakapatid, hindi na rin nila kakayanin talaga na mapagtapos kaming lahat.

Ang aking asawang si Francis ay tubong Antique. Lumuwas din siya sa Maynila para magtrabaho. Ang puno rin nila ay magsasaka. Dahil kapos din ang sinasaka nila, lumuwas din siya rito sa Maynila. Sa loob ng isang taon ay tatlong beses pa naman akong nakakauwi sa La Union pero ang asawa ko ay hindi na talaga nakakauwi.

Pagkatapos ng high school, hindi na ako makapag-aral dahil hindi na ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko. Nagdesisyon na lang ako na lumuwas ng Maynila . Ang plano ko talaga noon ay magtrabaho kasabay ng pag-aaral sa kolehiyo. Kaya lang noong nakapasok na ako sa SM ay nawala na sa isip ko ang pag-aaral. Hanggang sa tumagal na ako at hindi ko na namamalayan na ilang taon na pala ako sa SM. Kulang-kulang na 20 years din ako doon. Parang doon ko na ibinuhos lahat ng panahon ko sa pagtatrabaho hanggang sa makapag-asawa ako at makapagpalaki ng mga anak.

Apat ang mga anak ko. Ang panganay ay babae, 18, at ang ang pangalawa ay lalaki, 17. Dapat ay nassa college na sila pero dahil hindi ko kakayaning mapag-aral sila, sila yung nakatigil ngayon. Ang mga sumunod ay lalaki at babae na kapwa nasa elementarya.

Ang panganay ko ay may asawa na at isang anak. Ang pangalawa ko ang kasama namin sa bahay. Pag umaalis kaming mag-asawa, siya na ang tumitingin sa kapatid niyang bunso. Yung pangatlo ay andun sa kapatid ko sa Project 4.

Kung sa pagbabadyet, hirap na hirap talaga kami. Kapos na kapos yung kinikita namin. Yung kapatid ko sa Project 4 ang sumusuporta sa amin para sa pang-araw araw naming gastusin. Sa maliit naming allowance na mag-asawa at sa suporta ng kapatid ko umiikot ang mundo namin.

Mga mithiin sa pag-oorganisa

Sa panahon ngayon, kailangang kailangan ang pag-oorganisa dahil sa matinding krisis natin. Talagang tuluy-tuloy na ang pagkilos naming mag-asawa. Baka yung pangalawa ko ay makasama na rin namin sa pag-oorganisa. Hindi malayong ang mga maliliit ko ay patungo na rin sa ganoon kasi hindi pa man sila nag-aaral ay kasa-kasama na namin sa pagkilos ang mga yon.

Isa na lang ang gusto kong makamit, ang ma-organisa at mapagkaisa ang malawak na bilang ng kababaihan para sa pagsulong at pagbabago ng ating bulok na sistema ng lipunan. Ang minimithi ko ay pagkakaisa hindi lamang sa hanay ng kababaihan kung hindi buong mamamayan para sa pakikibaka sa napakatinding krisis na ating kinakaharap. Hangga’t hindi nagkakaisa ang sambayanang Pilipino, hindi talaga mababago ang umiiral na sistema. Mananaig at mananaig pa rin ang pagtindi ng krisis at katiwalian na umiiral sa administrasyon natin ngayon.

(March 2005)

Wednesday, March 30, 2005

Celestina “Aling Celing” Latonera: Boses ng Kababaihang Maralitang Tagalunsod

Panayam kay Ginang Luz Cadiz, kinatawan ni Aling Celing sa Bigas at Sampagita (Parangal sa mga Kababaihan sa Grassroots, CSWCD, UP Diliman, Marso 2005)

Ako si Luz Cadiz, taga-Pook Palaris at overall secretary ng board of trustees ng Samahan ng Kababaihan para sa Kaunlaran sa UP Campus (SKPK-UP).

Nagsimula ang samahan noong 1996. Ang kasalukuyang punong-barangay na si Advincula ang founder. Karamihan sa mga kasapi ay asawa ng mga empleyado ng UP. Sa Village A iyon nagsimula at labingpitong kasapi lamang sila noon. Ito ngayon ay may 12 chapters sa 16 na area.

Marami kaming activities noong nakaraan. Sa ilalim ng committee on education, mayroon kaming SKPK Learning Center sa Pook Ricarte. Mayroon kaming kinder at nursery. Tatlo ang guro namin doon at pawang mga SKPK member din.

Mayroon din kaming committee on livelihood. Iyong mga taga-Daang Tubo ay may rug-making. Gumagawa sila ng pangpunas sa sasakyan at doormat. Isa sa parokyano nila ay ang UP Cooperative.

Sa larangan ng advocacy, ang pinaka-kampanya namin ay ang katatagan sa paninirahan. Tuwing sasabihin ng UP na ide-demolish kami, talagang sama-sama kaming lahat na ipinaglalaban ito. Natatandaan ko pa nga noong 1985, gumawa kami ng position paper at ibinigay sa mga kongresista. Ang buong akala kasi nila ay walang komunidad sa UP at puro academe lang. Noong ipinaalam namin, nagalit ang administrasyon ng UP.

Isa si Aling Celing sa mga organizer ng SKPK sa Pook Libis kung saan siya nakatira. Bukod sa pagiging adviser ng SKPK, siya rin ay chairperson ng MAGKADAUP na nakabase sa Pook Libis. Ang MAGKADAUP ay kasapi ng SKPK.

Siya ay lupong tagapamayapa ng barangay UP at counsellor sa Family Community Healing Center. Ang Center ay proyekto ng barangay na nagsisilbi sa mga kababaihan na nakakaranas ng karahasan. Siya rin ay chairperson ng GABRIELA-Quezon City at kasama sa Ugnayang Magulang-Kabataan Laban sa Droga.

Bilang lupong tagapamayapa, si Aling Celing ay sumusuweldo ng P4,000 kada buwan kumpara sa P1,500 na sinasahod niya noong siya ay konsehal pa lamang. Subalit, araw na araw na siyang pumapasok ngayon hindi kagaya noon na isang beses lamang sa isang linggo.

Kapag may demolisyon sa Libis, talagang lumalaban sila. Nahihiga pa sila sa kalye bilang pagpapakita ng protesta. Sabi niya, ilang beses na silang nade-demolish. Dahil sa kahirapan ng buhay, minsan ay sa kariton na lang sila nahihiga.

Si Aling Celing o Nanay Celing, 69, ay tubong Bisaya. Mahirap daw ang buhay sa kanayunan. Lumuwas siya rito sa kalakhang Maynila iyon pala ay lalong mahirap dito. Sampu ang anak niya. Noon, nagtitinda-tinda siya. Ang asawa niya ay drayber. Noong namatay ang asawa niya, siya na ang nagtaguyod sa pamilya niya. Palipat-lipat sila ng bahay. Bago sa Libis ay tumira sila sa Daang Tubo.

Mababa lamang ang pinag-aralan ni Aling Celing. Elementary lamang ang naabot niya. Pero sa dinami-dami ng seminar na dinaluhan niya, magaling na siya. Talagang good leader siya. Talagang hindi ko pa kayang abutin ang lawak ng karanasan niya.

Kasama ko iyan dati pag nagrarali. Ang hindi ko malilimutang karanasan kasama siya ay noong isang rali mula Rotonda hanggang Malacañang. Sige pa rin siya kahit nirarayuma. Kailangan pa iyang alalayan paakyat ng entablado kasi hirap na ang tuhod niya. Namamaga ang binti niya kaya nahihirapan na siyang lumakad.

Maysakit daw si Aling Celing kaya hindi nakadalo ng parangal. Pero kung wala siyang sakit ay tiyak na andito iyon. Active iyon e.

Talagang organisado ang mga tagaroon sa kanila basta siya ang nag-imbita. Para lamang may mapadalo si Aling Celing ay kahit siya na ang gumagastos. Halimbawa, dahilan sa walang pamasahe ang mga kasapi ay hindi sila nakakadalo sa mga pagpupulong. Si Aling Celing ang nagbibigay sa mga iyon ng pamasahe kaya naman pinakamarami ang dumadalo sa pook nila.

Nirerespeto si Aling Celing. Magaling siyang makisama. Marunong din siyang mag-adjust at makibagay sa lahat ng kasamahan sa komunidad at mga kasamahan sa trabaho. Basta mabait siya.

Mula noong maging lupong tagapamayapa siya ay hindi na kami gaanong nagkikita. Ang opisina kasi namin ay sa Family Community at siya ay sa banda roon pa. At saka hindi magpanagpo ang aming oras.

Ang problema namin ay marami nang nagla-lie low. Saka marami na ring mga programa namin ang naiiwanan. Iyon na lang committee on education ang lumalarga sa pamamagitan ng learning center. Iyong livelihood naman, isa na lang ang nananahi at personal na niyang output iyon hindi bilang grupo.

Para mahikayat namin ang mga kasapi na bumalik, nage-area visit kami. Inaalam namin kung ano ang dahilan at hindi na sila active. Gusto namin na bumalik ang dating init ng organisasyon at maipagpatuloy ang mga programang naumpisahan.

Tuwing Disyembre, nagpapa-raffle kami para makalikom ng pondo. Wala kaming kinikita e. Sa bawat chapter, ang Amorsolo ang pinakamasipag mag-fund raising. Marami silang activities katulad ng bingo at taekwondo. Ang pinakamarami namang kasapi ay mula sa chapter ni Aling Celing. Magaling talaga siya sa organizing.

Tuesday, March 29, 2005

Ilang Pagmumuni-Muni Hinggil sa Informal na Sektor: Ang Kwento ng mga Kababaihan sa PATAMABA, Rizal

Bilang tagapag-ulat ng talakayan tungkol sa informal na sektor, marami akong natutunan sa aking mga babasahin. Nalaman ko na ang sektor na ito ay hindi lamang binubuo ng mga manininda sa bangketa, maglalako ng kakanin, at mga beautician at manikurista. Kabilang na rin dito ang mga mananahi sa bahay, telemarketers at marami pang iba. Sadyang malawak ang sakop ng sektor na ito. Dahil na rin sa anyo ng kanilang trabaho, kalimitan ay hindi ito naisasama sa talaan o pambansang estadistika. Ang informal sektor ay nagiging ‘invisible’ sa kabila ng malaking kontribusyon nito sa ekonomiya.

Malaki ang kaugnayan ng informal sector sa ekonomiya. Bukod sa kontribusyon nito, ito ang tagasalo sa mga manggagawa sa formal sector sa panahon ng krisis pang-ekonomiya. Dahil laganap ang tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga kompanya, lumolobo ang bilang ng informal sector kapag may krisis. Sa aspeto naman ng produksyon, ang informal sektor ay nakaugnay sa global na sistema ng kapitalismo. Ito ay kakabit ng kadena ng produksyon, iyon nga lamang ay nasa pinakamababang antas. Sa ilalim ng subcontracting, ang mga manggagawa ng informal sector, lalo na yaong mga nasa umuunlad na bansa, ay inaatasang gumawa ng produkto o magbigay ng serbisyo sa mas mababang halaga at ni walang kaseguruhan sa trabaho at walang benepisyo. Ito ay bahagi ng umiiral na kalakaran ng globalisasyon. Dahil mga kababaihan ang malaking bilang ng bumubuo sa informal sector, sila ang mas higit na naapektuhan ng globalisasyon.

Maraming problema ang informal sector. Ilan dito ay ang kawalan o kakulangan ng proteksyon, benepisyo, pautang at iba pang institusyonal na mekanismo, pagsasanay, at pago-organisa.

Kaugnay ng aking ulat ay bumisita kami sa lupon ng mga kababaihang manggagawa sa informal sector sa munisipalidad ng Angono sa Rizal. Sila ay mga kasapi ng PATAMABA, isang organisasyon ng mga mangagawa sa bahay. Ilan sa kanilang ginagawa ay budbod (polvoron), organic detergent, organic dishwashing paste, at tsinelas. Sila rin ay nananahi, nagi-smucking at gumagawa ng beadwork.

Sa kanilang tanggapan, kami ay nagpalitan ng kaalaman at nakinig sa kanilang mga karanasan. Kumbaga, sa pagdalaw naming iyon ay napalamanan ang mga konsepto at impormasyong aking nakalap mula sa libro at Internet. Mas napagyaman ng mga babaeng ito ang aming pag-unawa hinggil sa informal na sektor.

Napansin ko na sanay na ang mga kababaihan ng PATAMABA na may bumibisita sa kanilang lugar. Halos lahat sila ay matatas magsalita at bukas ang loob sa pagbabahagi ng kani-kanilang kaalaman. Ilan sa mga natatandaan ko pa ay sina Olive, ang pinuno ng grupo, sina Glo, Josie at Alma.

Alam na alam nila ang mga isyu na bumabalot sa kanilang estado bilang manggagawa. Kabilang dito ay ang di sapat na kita, kahirapan sa paniningil, kompetisyon mula sa mga banyagang produkto, kawalan ng social protection, kawalan ng access sa pautang, pagkakaroon ng faction o hindi pagkakaunawaan at kakulangan ng pondo.

Napansin ko rin na bukod sa kanilang kabuhayan (indibidwal o grupo), sila rin ay nakikisangkot sa pago-organisa, pagsasanay at policy advocacy. Marami pa silang plano upang mas lumakas ang organisasyon.

Sa aking pakikisalamuha sa mga kababaihan ng PATAMABA, maraming punto ang tumimo sa aking utak, mga aral-buhay na hindi ko matututunan sa loob ng silid-aralan. Sa ngayon ay may naiisip akong apat na punto.

Una, malaki ang potensyal ng mga kababaihan na maging empowered. Humanga ako sa talento ni Josie na magaling sa beadwork na tunay na pang-world class talaga. Humanga rin ako sa pamumuno ni Olive at sa galing nya sa pagsasalita. Hindi na ako nagtataka na maraming kasamahan nya ang andiyan pa rin at tapat sa kanya. Humahanga rin ako sa buong grupo dahil hindi lang sila committed kundi may passion din sila sa kanilang ginagawa.

Pangalawa, pinatunayan nila ang aral sa kilusang peminista na ang personal ay pulitikal. Ang mga nangyayari sa kanilang personal na buhay, partikular sa pamilya, ay kaugnay ng kanilang kalagayan bilang maggagawa, bilang kasapi ng komunidad at lipunan.

Kaugnay rin dito ang ikatlong puntos na ang grupo ay gumagana rin bilang support group. Masasabing ang buhay ng bawat miyembro ay magkakawing na. Sa pamamagitan ng kanilang mga kwento ay nakapasok ako sa kani-kanilang buhay. Nalaman ko na ang isa sa kanila ay pangalawang asawa. Ang isa ay nakapag-asawa uli matapos magtiis ng ilang taon sa piling ng unang asawa na nagdala ng babae at nakisukob sa iisang bubong. Ang isa ay iniwan ng asawang overseas contract worker at mag-isang itinataguyod ang mga anak. Sa unang tingin ay sadyang makukulay ang kanilang buhay ngunit sa likod nito ay ang sakit, sa iba naman ay saya, at pagsisikap na mas mapabuti ang kanilang kalagayan ng sama-sama.

Ang panghuling punto ay tuwirang tumutukoy sa kanilang partikular na sitwasyon bilang manggagawa ng informal sector. Tinanong ko ang mga kababaihan kung ang pagpasok ba nila sa informal sector ay nangangahulugang hindi sila makakuha ng trabaho sa formal sector. Tinanong ko ito sa kabila ng paniniwala ko na baka ganoon nga ang siste. Sabi ng isang ginang, iyon ay kanilang desisyon. Pinabulaanan nya na hindi ibig sabihin na nasa informal sector sila ay hindi sila magkaroon ng oportunidad na pumasok sa formal sector. Dagdag pa niya, mabuti na iyong mas marami syang oras na ginugugol sa pamilya at kasabay nito ay ang paghahanapbuhay nya.

Tama sya, ito ay isang desisyon. Sa ganang akin naman, natutunan ko na dapat may pagtanggap at pagrespeto sa pananaw at desisyon ng kapwa ko kababaihan. Dito ko rin napagtanto na marami pa akong mga biases na kailangang basagin lalo na at ngayon ko lang talaga nalaman ang sitwasyon ng mga kababaihang ito. Nagpapasalamat ako na may mga exposure na ganito upang yun nga ay mas maintindihan ko ang kanilang sitwasyon, yaong hindi nakukuha sa libro at Internet kundi namumutawi sa labi at nababakas sa galaw ng mga empowered na kababaihan katulad ng mga kababaihan ng PATAMABA sa Angono.

(March 2005)

Monday, March 28, 2005

Field Trip sa Sipak Maly, Montalban

Sabado ng umaga. Pagkatapos naming magkita sa Jollibee Philcoa, kaming mga magkakaklase, kasama ang aming propesor na si Ma’am Judy Taguiwalo, ay dumiretso na papuntang Sipak Maly sa bayan ng Montalban.

Ang araw na ito ay inilaan para sa field trip ng aming klase sa WD 201. Unang destinasyon, ang pangkat ng kababaihan sa Montalban na ino-organisa ng Amihan. Ang Amihan ay kalipunan ng kakabaihang nago-organisa ng kapwa kababaihan sa kanayunan.

Ang komunidad ng Siapk Maly, matatagpuan sa paanan ng bundok ng Montalban at mararating sa pamamagitan ng pagbagtas sa ilog, ay pugad din ng isang quarrying site. Sa loob ng maraming taon, tinitiis ng mga residente ang ingay at polusyon na dulot ng operasyon.

Nakipag-ugnayan kami sa Amihan upang maisagawa ang field trip na ito at personal na masaksihan at maranasan ang sitwasyon ng mga residente lalung-lalo na ng mga kababaihan. Sa loob ng kalahating araw, kaming mga magkakaklase ay makikipagbahaginan at makikipamuhay sa kapwa kababaihan ng pook na iyon.

Pagkatapos maglakad sa gilid ng ilog at lumusong mismo sa ilog, narating na rin namin ang pook. Sinalubong kami ng mga bata. Tipikal na Sabado. Abala ang mga residente sa kanilang gawaing bahay. May isang babaeng nagsasampay ng kanyang nilabhan samantalang nagsisiluma pa lang maglaba ang isang lalaki sa may kalayuan. Nadaanan din namin ang isang lalaking nagpupukpok ng kahoy.

Humimlay kami sa isang waiting shed na syang pinagdarausan din ng bible study at mga pagtitipon ng barangay o kaya naman ay simpleng pagsasama-sama at pagkekwentuhan. Iyon ang sentro ng barangay. Mula dito ay matatanaw na ang lahat ng kabahayan. Sa tapat ay may itinayong half court ng basketbol na sa kasalukuyan ay pinagdarausan ng laro ng tatlong binatilyo. Sa di kalayuan ay matatanaw rin sa isang bahay ang tatlong binata na nanonood ng boxing match nina Tyson at Williams na nakaharap sa nag-iisang telebisyon sa pook. Andun din at nakatalungko ang ilang kabataan sa may bintana at pintuan at matamang nanonood.

Nakita ko rin ang isang lola na manaka-nakang sinisilip kami mula sa bintana ng kanyang dampa habang idinuduyan ang kanyang apo. Samantala, tumatawid naman sa ilog ang isang nanay kasama ang kanyang anak na binata bitbit ang kanilang mga paninda.

Ito ang dinatnan naming tagpo sa Sipak Maly. Ako ay inatasang kapanayamin si Cherrie, ang babaeng una naming nadatnan na nagsasampay ng kanyang labahin.

“Sandali lang ho,” ani nya. “Sayang kasi ang araw. Hindi ako nakapagbanlaw agad kahapon kasi lumabo ang tubig.”

Ang tubig na tinutukoy niya any ang ilog na naghihiwalay sa komunidad at ang quarrying site. Dito sila naliligo lalo na ang mga bata at dito rin sila naglalaba. Manaka-nakang lumalabo ang tubig pag nagbubuga ng dumi galing sa quarrying site.

Tila hindi na rin nila alintana ang ingay na dulot ng dinudurog na bato at tunog ng trak na paroo’t parito upang hakutin ang mga dinurog na bato.

Mataman ko munang inobserbahan si Cherrie habang nagsasampay. Payat si Cherrie, lampas tenga ang buhok at kayumanggi ang balat. Sa wakas ay natapos na rin siya at nagpaalam na magpapalit muna ng damit. Paglabas, nya, bago na nga ang bihis na damit, nakaputing T-shirt, halatang nagpustura at nagpulbo ng kaunti para sa panayam. Kasama ko na syang bumalik sa waiting shed para sa aming pag-uusap.

Nagsimula na kaming mag-usap. Medyo kimi. Tanong ko, sagot nya. Hindi na masyadong nagpapaliwanag. Parating magkasalikop ang dalawang kamay. May permanenteng ekspresyon sa mukha. Hindi palangiti at madalas ay mataman lang na nakatingin sa akin habang naghihintay ng aking mga katanungan.

Si Cherrie ay isang maybahay na may tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae. Ang asawa nya ay naga-assemble ng sasakyan sa isang pagawaan sa Maynila. Siya ay dating nagtatrabaho sa quarrying site at nanatili rin doon sa lood ng tatlong taon. Lunes hanggang sabado ang trabaho ng kanyang esposo. Umuuwi sya ng sabado ng gabi, linggo lang ang pahinga at pagkatapos ay aalis na uli ng lunes ng madaling araw.

Si Cherrie ang naiiwan para mag-alaga ng mga anak at mag-asikaso sa bahay. Kapag may pasok sa eskwelahan, ganito ang takbo ng buong maghapon sa buhay ni Cherrie: Alas singko, aalis sya at ang kanyang panganay na babae para ihatid ito sa eskwelahan at babalik sa bahay para asikasuhin naman ang pagpasok ng kanyang dalawang anak na lalaki. Pagkatapos ay diretso na sya sa gawaing bahay. Bago mag-alas onse, aalis na naman para sunduin ang anak na babae.

Todo bantay at alaga ni Cherrie ang kanyang anak na babae. Dangkasi ay sakitin ito, me epilepsy at tuberkulosis. Simula nang pumasok ito sa paaralan ay hatid-sundo na ni Cherrie. Ngayon ay nasa huling taon na ang dalaga sa sekondarya. Ayon kay Cherrie, may mga panahon na gusto na nyang patigilin sa pag-aaral dahil nga sa kalagayan nito. Baka nga naman atakihin sa eskwelahan. Ngunit ang dalaga na rin ang nagsabi na kaya nya at pursigido itong matuto. Sa parte ni Cherrie, pinagtyagaan nya talaga ang paghatid-sundo sa anak.

Maselan ang kalagayan ng dalaga. Sa ngayon ay natigil ang medikasyon nito dahil ayon na rin kay Cherrie, hindi epektibo ang binigay na gamot para sa epilepsy. Natigil na rin ang paggamot nito sa TB dahilan sa allergy.

Bukod sa pag-aalaga sa mga bata at pagganap sa mga gawaing bahay, nagtatanim din si Cherrie sa kanilang bakuran na siyang isa sa mga pinagkukunan nila ng pagkain. Ang isa pang libangan nya ay makinig sa radyo.

Si Cherrie ay tubong Dumaguete, Negros. Siya ay nakatuntong hanggang ikatlong baytang ng elementarya at pagkaraka ay namasukan na agad bilang katulong sa edad na nueve anyos. Pagtuntong ng kinse anyos, siya ay nakipagsapalaran sa Maynila at namasukan muli bilang katulong. Dito nya nakilala ang kanyang napangasawa na syang pamangkin ng kanyang amo. Sila ay nagsama at nangupahan. Pagkaraan ay napadpad sila sa Montalban.

Ayon pa kay Cherrie, halos sabay-sabay silang napadpad sa lugar na iyon. Nagmula pa sila sa iba’t ibang probinsya. Lahat sila ay nakipagsapalaran sa Maynila at nagkatagpu-tagpo na sa Montalban.

Bagong lipat din lang sila sa bahaging iyon ng lugar. Dati ay nasa kabilang bahagi sila ngunit napilitang umalis dahil lubos na naapektuhan ng operasyon ng quarrying. Lubhang mapanganib sa dati nilang lokasyon dahil umuulan ng mga pinasabog na bato mula sa site. Ngunit hindi rin naiiba ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Walang puknat ang ingay. Lumalabo ang tubig. Sinusukluban sila ng usok lalo na tuwing tag-init. Marami tuloy ang nagkaka-ubo lalo na ang mga bata.

Ang isa pang problema ay ang pagtaas ng tubig sa ilog lalo na pag tag-ulan. Hindi makaalis ang mga residente. Ang mga estudyante naman ay lumiliban na lang sa klase.

Tinanong ko si Cherrie kung anong mga hakbang ang ginagawa nila ng mga residente upang maibsan ang mga problemang ito. Sa kasalukuyan ay mayroong pagkilala na kailangan nilang kumilos bilang isang organisasyon. Sa tulong ng Amihan, me mga balak patungo rito. Me balak ding mag-organisa ng mga kababaihan. Nilalayon din nila na maipaabot ang kanilang mga hinaing sa kinauukulang lokal at nasyonal na pamahalaan.
Nabanggit din ni Cherrie na walang masyadong pagtitipon na sangkot ang mga residente. Inilahad pa nya na kapag Pasko at Bagong Taon, kanya kanya silang handa. Madalas naman ay dito sila nagkukumpulan sa waiting shed upang mag-bible study o simpleng magkwentuhan lamang.

Ayon pa sa kanya, ngayon lang sila dinalaw ng isang grupo ng mag-aaral. Bukod sa Amihan, meron ding isang grupo na pumunta upang mag-alok ng kabuhayan. Balak nilang magbigay ng pautang na me patong na interes. Nagkaroon ng mga konsultasyon ngunit hindi pa uli bumabalik ang mga ito.

Sa konklusyon ng aking panayam, tinanong ko si Cherrie kung ano ang pangarap nya sa buhay. Isa lang ang sagot nya. Pangarap nya na makatapos sa pag-aaral ang mga anak.

Tinanong ko rin sya na baka me gusto rin syang itanong sa akin.

Aniya, “Sa nakita mong sitwasyon namin dito, ano ang maitutulong mo sa amin?”

Bahagya akong natigilan at napaisip. Naku, baka isipin ni Cherrie at ng iba pang taga-rito na may maiaabot kaming anuman o kaya naman baka isipin nya na ginagamit ko lang sya para sa aking pag-aaral.

Agad ko rin namang nawaglit ang mga yon sa aking isipan dahil bago pa man kami pumunta rito, malinaw naman ang aming layunin. Binigyan kami ng oryentasyon ni Ma’am Judy at ng isang community organizer na taga-Amihan.

Natatandaan ko pa ang mga sinabi ni Ma’am Judy. Kailangang wag naming ihiwalay ang aming mga sarili sa kanila. Sanay na rin naman akong makipamuhay kaya walang kaso sa akin yon.

Sabi ko, bilang estudyante, maipapaabot namin ito sa atensyon ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa Amihan. May dala rin kaming kaunting gamot at nagbabalak na mag-medical mission.

Tinanong ko si Cherrie kung komportable ba siya at inilahad nya ang kanyang personal na buhay sa akin. Oo naman daw at nagpapasalamat din sya sa pagpunta namin. Sa ganang kanya raw ay masaya na sya at may napagkwentuhan siya, may nakinig at nakaintindi sa sitwasyon nya at kanyang mga ka-barangay.

Sa unang pagkakataon, nasilayan ko ang kanyang maluwang na ngiti at bahagyang pagkislap ng mata, indikasyon na ako ay malugod na pinapatuloy nya upang pasukin ang pribadong espasyo ng kanyang buhay.

Tinapos ko na ang panayam at sinabi ko kay Cherrie na lubos akong nagpapasalamat sa tiwalang ibinigay nya sa akin. Nang lumaon ay isa-isa nang nagdatingan ang aking mga kaklase baon ang mga kwentong buhay ng kanilang mga nakapanayam.

Maghahanda na kami para sa isang munting programa at pagtitipon. Sa gitna ng ugong mula sa quarrying site, pinagtagni-tagni namin ang aming mga karanasan bilang babae at patuloy na nakikipagsapalaran sa maingay na ugong ng buhay.

(First Sem, 2004)

Sunday, March 27, 2005

Tuloy po kayo sa aking bagong blog!

Ito ang pangalawa kong blog. Sa paggawa ko ng panibagong blog, nakatimo sa aking isipan ang pagsusumikap na ibahagi ang aking kwentong buhay gayon din ang mga kababaihan na aking nakakasalamuha sa araw-araw at lahat ng isyu tungkol sa mga kababaihan pati na rin ng mga kalalakihan sa lebel na personal at sa mas malawak na millieu na ating ginagalawan. Dahil patapos na ang sem sa aking kursong Women and Development sa UP Diliman, minarapat ko na ibahagi sa inyo ang aking mga sinulat na kwentong buhay at pagmumuni-muni tungkol sa kalagayan ng mga kababaihan.

Ang unang artikulo ay tungkol sa isang maybahay sa Sipak Maly, Montalban na nagsisikap itaguyod ang kanyang pamilya habang ang kanyang asawa naman ay nakikipagsapalaran sa Maynila upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Sa gitna nito ay ang nakaambang panganib sa kanilang komunidad dulot ng operasyon ng quarrying na nagbabanta sa kanilang kaligtasan, kalusugan at karapatan sa paninirahan.

Ang pangalawa ay ang pagmumuni-muni kung paanong ang mga kababaihan sa Angono, Rizal na bahagi ng PATAMABA, isang organisasyon ng home-based workers, ay nakamit ang empowerment.

Ang pangatlo at pang-apat ay feature ng dalawang kababaihan mula sa grassroots na ginawaran ng parangal bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women's Month sa College of Social Work and Community Development sa UP. Si Aling Celing ay isang organisador ng mga maralitang tagalunsod samantalang si Maristel ay sa unyon at mga komunidad ng kananayan.

Ang panghuli ay ang talumpati ng aking pinsan na si Glenda na binigkas niya noong pagtatapos ng mga mag-aaral sa Mababang Paaralan ng Silonay sa Calapan.

Tayo na at sama-sama tayo sa paglalakbay.