Ilang Pagmumuni-Muni Hinggil sa Informal na Sektor: Ang Kwento ng mga Kababaihan sa PATAMABA, Rizal
Bilang tagapag-ulat ng talakayan tungkol sa informal na sektor, marami akong natutunan sa aking mga babasahin. Nalaman ko na ang sektor na ito ay hindi lamang binubuo ng mga manininda sa bangketa, maglalako ng kakanin, at mga beautician at manikurista. Kabilang na rin dito ang mga mananahi sa bahay, telemarketers at marami pang iba. Sadyang malawak ang sakop ng sektor na ito. Dahil na rin sa anyo ng kanilang trabaho, kalimitan ay hindi ito naisasama sa talaan o pambansang estadistika. Ang informal sektor ay nagiging ‘invisible’ sa kabila ng malaking kontribusyon nito sa ekonomiya.
Malaki ang kaugnayan ng informal sector sa ekonomiya. Bukod sa kontribusyon nito, ito ang tagasalo sa mga manggagawa sa formal sector sa panahon ng krisis pang-ekonomiya. Dahil laganap ang tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga kompanya, lumolobo ang bilang ng informal sector kapag may krisis. Sa aspeto naman ng produksyon, ang informal sektor ay nakaugnay sa global na sistema ng kapitalismo. Ito ay kakabit ng kadena ng produksyon, iyon nga lamang ay nasa pinakamababang antas. Sa ilalim ng subcontracting, ang mga manggagawa ng informal sector, lalo na yaong mga nasa umuunlad na bansa, ay inaatasang gumawa ng produkto o magbigay ng serbisyo sa mas mababang halaga at ni walang kaseguruhan sa trabaho at walang benepisyo. Ito ay bahagi ng umiiral na kalakaran ng globalisasyon. Dahil mga kababaihan ang malaking bilang ng bumubuo sa informal sector, sila ang mas higit na naapektuhan ng globalisasyon.
Maraming problema ang informal sector. Ilan dito ay ang kawalan o kakulangan ng proteksyon, benepisyo, pautang at iba pang institusyonal na mekanismo, pagsasanay, at pago-organisa.
Kaugnay ng aking ulat ay bumisita kami sa lupon ng mga kababaihang manggagawa sa informal sector sa munisipalidad ng Angono sa Rizal. Sila ay mga kasapi ng PATAMABA, isang organisasyon ng mga mangagawa sa bahay. Ilan sa kanilang ginagawa ay budbod (polvoron), organic detergent, organic dishwashing paste, at tsinelas. Sila rin ay nananahi, nagi-smucking at gumagawa ng beadwork.
Sa kanilang tanggapan, kami ay nagpalitan ng kaalaman at nakinig sa kanilang mga karanasan. Kumbaga, sa pagdalaw naming iyon ay napalamanan ang mga konsepto at impormasyong aking nakalap mula sa libro at Internet. Mas napagyaman ng mga babaeng ito ang aming pag-unawa hinggil sa informal na sektor.
Napansin ko na sanay na ang mga kababaihan ng PATAMABA na may bumibisita sa kanilang lugar. Halos lahat sila ay matatas magsalita at bukas ang loob sa pagbabahagi ng kani-kanilang kaalaman. Ilan sa mga natatandaan ko pa ay sina Olive, ang pinuno ng grupo, sina Glo, Josie at Alma.
Alam na alam nila ang mga isyu na bumabalot sa kanilang estado bilang manggagawa. Kabilang dito ay ang di sapat na kita, kahirapan sa paniningil, kompetisyon mula sa mga banyagang produkto, kawalan ng social protection, kawalan ng access sa pautang, pagkakaroon ng faction o hindi pagkakaunawaan at kakulangan ng pondo.
Napansin ko rin na bukod sa kanilang kabuhayan (indibidwal o grupo), sila rin ay nakikisangkot sa pago-organisa, pagsasanay at policy advocacy. Marami pa silang plano upang mas lumakas ang organisasyon.
Sa aking pakikisalamuha sa mga kababaihan ng PATAMABA, maraming punto ang tumimo sa aking utak, mga aral-buhay na hindi ko matututunan sa loob ng silid-aralan. Sa ngayon ay may naiisip akong apat na punto.
Una, malaki ang potensyal ng mga kababaihan na maging empowered. Humanga ako sa talento ni Josie na magaling sa beadwork na tunay na pang-world class talaga. Humanga rin ako sa pamumuno ni Olive at sa galing nya sa pagsasalita. Hindi na ako nagtataka na maraming kasamahan nya ang andiyan pa rin at tapat sa kanya. Humahanga rin ako sa buong grupo dahil hindi lang sila committed kundi may passion din sila sa kanilang ginagawa.
Pangalawa, pinatunayan nila ang aral sa kilusang peminista na ang personal ay pulitikal. Ang mga nangyayari sa kanilang personal na buhay, partikular sa pamilya, ay kaugnay ng kanilang kalagayan bilang maggagawa, bilang kasapi ng komunidad at lipunan.
Kaugnay rin dito ang ikatlong puntos na ang grupo ay gumagana rin bilang support group. Masasabing ang buhay ng bawat miyembro ay magkakawing na. Sa pamamagitan ng kanilang mga kwento ay nakapasok ako sa kani-kanilang buhay. Nalaman ko na ang isa sa kanila ay pangalawang asawa. Ang isa ay nakapag-asawa uli matapos magtiis ng ilang taon sa piling ng unang asawa na nagdala ng babae at nakisukob sa iisang bubong. Ang isa ay iniwan ng asawang overseas contract worker at mag-isang itinataguyod ang mga anak. Sa unang tingin ay sadyang makukulay ang kanilang buhay ngunit sa likod nito ay ang sakit, sa iba naman ay saya, at pagsisikap na mas mapabuti ang kanilang kalagayan ng sama-sama.
Ang panghuling punto ay tuwirang tumutukoy sa kanilang partikular na sitwasyon bilang manggagawa ng informal sector. Tinanong ko ang mga kababaihan kung ang pagpasok ba nila sa informal sector ay nangangahulugang hindi sila makakuha ng trabaho sa formal sector. Tinanong ko ito sa kabila ng paniniwala ko na baka ganoon nga ang siste. Sabi ng isang ginang, iyon ay kanilang desisyon. Pinabulaanan nya na hindi ibig sabihin na nasa informal sector sila ay hindi sila magkaroon ng oportunidad na pumasok sa formal sector. Dagdag pa niya, mabuti na iyong mas marami syang oras na ginugugol sa pamilya at kasabay nito ay ang paghahanapbuhay nya.
Tama sya, ito ay isang desisyon. Sa ganang akin naman, natutunan ko na dapat may pagtanggap at pagrespeto sa pananaw at desisyon ng kapwa ko kababaihan. Dito ko rin napagtanto na marami pa akong mga biases na kailangang basagin lalo na at ngayon ko lang talaga nalaman ang sitwasyon ng mga kababaihang ito. Nagpapasalamat ako na may mga exposure na ganito upang yun nga ay mas maintindihan ko ang kanilang sitwasyon, yaong hindi nakukuha sa libro at Internet kundi namumutawi sa labi at nababakas sa galaw ng mga empowered na kababaihan katulad ng mga kababaihan ng PATAMABA sa Angono.
(March 2005)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home