Thursday, March 31, 2005

Maristel Garcia: Manggagawa at Unyonista ng SM

Ako si Maristel Garcia, isang organisador ng mga manggagawa sa Shoe Mart (SM). Nineteen years old ako noong pumasok ako sa SM bilang sales clerk. Nag-asawa ako noong 21 years old ako.

Ang aking napangasawa, si Francis Garcia, ay katrabaho ko rin. Janitor sya. Pag pumasok ka kasi sa SM, yung buong panahon mo andun na lang sa loob. Papasok ka sa umaga tapos gabi ka na uuwi. Matutulog ka tapos papasok ka na ulit kinabukasan. Kaya naman mas mahaba ang panahon mo dun sa nakakasalamuha mong katrabaho. Noong simula pa lang ng pagtatrabaho ko noong 1984, sa Project 4 sa kapatid ko ako nakatira. Ngayon, sa Fairview na kami nakatira ng asawa ko at apat na anak.

Unang trabaho ko talaga itong sa SM Makati. Diyan ako nagsimulang magtrabaho at diyan din ako natapos. Andiyan din naman yung alok ng kumpanya na alinman bilang inventory clerk o supervisor. Hindi ko yun tinanggap kasi pag ikaw ay na-promote, hindi madadagdagan ang sweldo mo. Tapos, ayoko nung kinokontrol ako ng kumpanya. At least pag sales clerk pa rin ako, malaya ako kung ano ang gusto kong gawin at malaya akong makakakilos para tumulong at sumuporta sa iba pa naming kasamahan.

Ang unyon namin ay Sandigan ng mga Manggagawa sa SM. Dahil malaki ang bilang ng kababaihan sa SM, na umaabot ng 85%, kami ay nagpa-miyembro sa GABRIELA.

Pagsali sa Unyon ng SM

Ang nagbunsod talaga sa akin para sumama sa unyon ay dahil na rin doon sa dinaranas namin sa loob ng SM. Halimbawa ay yung sexual harassment tapos pangalawa yung job security namin bilang manggagawa dahil walang katiyakan yun. Ganun din naman ang oras ng pagtatrabaho kasi dati ay 9 hours e dapat 8 hours lang. Dahil sa matinding pagsasamantala sa amin ng may-ari ng SM na si Henry Sy, iyun ang magtutulak sa’yo para sumama sa unyon. Dati kasi ay company union lang yan at ito ay boses ng kapitalista.

Ang matindi talagang naranasan namin diyan ay sobrang kahigpitan lalo na yung sa pagsi-CR. Hindi ka kasi basta-basta makakaalis sa punwesto mo para mag-CR o kaya uminom man lang ng tubig kapag nauuhaw. Kailangang magpaalam ka sa supervisor mo o manager at nakadepende pa iyon kung papayagan kang umalis sa puwesto.

Merong pagkakataon na ihing-ihi na ako at ako lang yung mag-isa sa puwesto ko. Nagpaalam ako sa supervisor ko kung pwedeng mag-CR muna ako. Sabi ng supervisor ko ay hindi ako pwedeng umalis hanggang wala akong makakapalit ako sa puwesto. Kesa naman maihi ako sa aking saplot, umalis ako at nag-CR din. Pagbalik ko, tinanong ako kung bakit ako umalis at bakit hindi man lang ajko naghintay ng kapalit ko bago ako umalis. Kahit ano’ng katwiran ko ay hindi nila pinakikinggan.

Kapag nagkasakit ang mangagawa, hindi rin basta-basta nakakapag-file ng sick leave. Nangyari nga diyan, doon pa lang sa trabaho ay masama na ang pakiramdam ko. Nilalagnat ako kaya kinabukasan ay hindi na ako pumasok. Dalawang araw bago ako pumasok, nagpatingin muna ako sa doktor sa labas dahil requirement ang medical certificate.

Pagpasok ko, hindi tinanggap ang leave ko at sabi ay kailangan kong hintayin ang doktor ng kumpanya. Itse-check up ulit ako kung totoong may sakit nga ako. Kaya lang dumating yung doktor pagkatapos pa ng dalawang araw. Ang nangyari, nung itse-check up na ako, wala na akong sakit. Ang ginawa ng doktor, hindi niya ino-honor yung two-day leave ko at ang binigay sa akin ay unauthorized absent. Hindi raw ako pinapayagan para um-absent.

Pag-oorganisa ng mga kababaihang mangagawa

Noong 1992, nahalal ako bilang bise presidente ng unyon hanggang sa maging secretary general ako. Hawak ko yung komiteng pangkababaihan. Noong naging kasapi ako doon, nakita kong kailangan pang kumbinsihin at organisahin ang mga kasapi ng mangagawang kababaihan sa SM. Tumulong ako sa pagpapaliwanag sa kanila hanggang sa inatasan nila akong maging chairperson ng komite. Naglunsad kami ng pag-aaral pangkababaihan. Tapos, kung anuman yung mga hinaing ng mga kababaihang manggagawa, halimbawa ay sa usapin ng sick at maternity leave, ako ang tumutulong sa kanila.

Ang GABRIELA ang tumutulong sa amin para mag-educate. Noong panahon ng welga, malaki ang naitulong nila sa amin sa pakikipag-ugnayan sa media at sa paghahanap ng mga alliance para sumuporta dito sa laban namin sa SM.

Malaking balakid talaga sa pagkilos namin ang management. Sila ay malaking tinik sa lalamunan para maipagpatuloy ang pag-oorganisa kasi bawat kibot ay binabantayan. Hirap na hirap talaga kaming lumarga nang hindi nalalaman ng management.

Ang isa pang nagiging balakid diyan ay ang iba’t ibang katangian ng mga manggagawa. Mayroong sumasang-ayon o nakukumbinsi mo sa pagpapaliwanag. Meron ding kumukontra sa mga ipinapaliwanag mo. Doon nagtatagal ang pago-organize. Kailangang maglabas ng mahabang pasensya. Talagang lahat ng nasa kadulu-duluhan ng utak mo ay mahuhugot. Higit sa lahat, dapat maghanap ng iba-t ibang pamamaraan upang iangkop sa kausap yung mga ipapaliwanag para makumbinsi sila.
Tapos 2003 noong nadurog ang unyon. Nagwelga kami mula March hanggang October 2003. Noong September, nag-decide na hindi na raw kami makakabalik ng trabaho.

Nabuwag ang unyon namin sa pamamagitan ng sabwatan ng Department of Labor (DOLE) at saka ng management. One week pa lang kaming naka-welga, andiyan na ang order ng DOLE ng assumption of jurisdiction. Tapos, habang nagne-negotiate ang unyon at management, nag-uusap na rin ang management at ang DOLE na i-push through ang pagtanggal sa mga sumama sa welga. Ang natanggal sa amin noong panahon ng welga ay nasa 243 na mga regular na manggagawa mula sa anim na branches namin na sakop ng unyon.

Tapos, gingiit ng kumpanya na hindi na kami ang Shoe Mart Incorporated. Regular employee talaga kami at kami ang original employees. Yung mga nasa malls, yun ang pinapalabas ng kumpanya noon na mga affiliate lang niya. Hindi ina-admit ng management ng SM na kanila ang mga malls na iyon. Hindi iyon pag-aari direkta ng SM kundi pangalan lamang ang binibili. Ngayon, kami na ang lumalabas na affiliate. Yung mga nasa malls na ang itinuturing ng management na SM Inc. Binaligtad ang sitwasyon.

Pag-oorganisa pagkatapos mabuwag ang unyon

Sa kabila ng pagkakatanggal sa amin, naiipagpatuloy pa rin naman yung pagkilos sa pamamagitan ng pag-oorganisa. Sa ngayon, nag-oorganize kami sa mga communities saka sa mga factory. Ang area ko ay isang community sa Makati, sa Tejeros tenement. Pag sinabi mo kasing community, iba-iba ang katangian nyan. May mga mangagawa at meron din namang andun din sa community katulad ng mga kananayan. Minsan ay napupunta pa kami sa South, sa Taguig.

Ang pagkakaiba, ang mga ino-organize ko dati ay mga kasamahan ko sa trabaho. Kumbaga, kakilala ko na. Minumulat mo na lang at pinapa-miyembro sa unyon. Ngayon, dahil ito ay mga kananayan, kitang-kita mo ang limitasyon sa panahon.

Sa pamamagitan ng pag-oorganisa ko sa komunidad, nakikita ko na rin ang sarili ko bilang nanay, may anak, may responsibilidad sa buhay at sa komunidad. Mahirap kung titingnan natin. Paano mo pagsasabayin, paano mo hahatiin ang panahon mo para sa dalawa mong responsibilidad na ito? Pero dahil na rin nasa puso ko ang pag-oorganisa, nagagawan ko ng paraan kung paano hahatiin ang panahon sa pamilya at inoorganisa.

Kahit gaano pa kahirap ang trabaho ko, talagang hindi ko ito tinitingnan na mahirap kundi parte ng pag-ikot ng aking buhay. Nasimulan ko na ang trabahong ito e. Parang hindi ko na siya tinitingnan na, “Hindi ko kaya yan.” Dahil ito na ang gawain ko, ang hahanapin ko na lang ay kung paano yung pamamaraan para hindi ko maramdaman yung hirap ng pag-oorganisa saka yung pagpapatakbo o pangangasiwa sa aking pamilya.

Ang isang maganda rito, dahil ang asawa ko ay isa ring organisador at naiintindihan niya yung trabaho ko, katulong ko rin sya sa gawain sa bahay. Naghahati kami sa trabaho sa bahay para makapagbigay rin kami ng panahon sa mga area namin. Yung mga anak ko ay sumusuporta rin sa aming pagkilos.

Ang pinagmulan ni Maristel

Ako ay tubong La Union. Sampu kaming magkakapatid at pangpito ako. Noong bata ako, gusto ko sanang maging teacher. Kapag tinatanong ako ng nanay ko, “Ano’ng gusto mo paglaki mo?” Sabi ko, gusto kong maging teacher. Kaya lang dahil sa maagang namatay ang nanay ko, hindi na rin ganoon ang nangyari. Dahil na rin sa hirap ng buhay namin (magsasaka ang mga magulang ko), at sa dami naming magkakapatid, hindi na rin nila kakayanin talaga na mapagtapos kaming lahat.

Ang aking asawang si Francis ay tubong Antique. Lumuwas din siya sa Maynila para magtrabaho. Ang puno rin nila ay magsasaka. Dahil kapos din ang sinasaka nila, lumuwas din siya rito sa Maynila. Sa loob ng isang taon ay tatlong beses pa naman akong nakakauwi sa La Union pero ang asawa ko ay hindi na talaga nakakauwi.

Pagkatapos ng high school, hindi na ako makapag-aral dahil hindi na ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko. Nagdesisyon na lang ako na lumuwas ng Maynila . Ang plano ko talaga noon ay magtrabaho kasabay ng pag-aaral sa kolehiyo. Kaya lang noong nakapasok na ako sa SM ay nawala na sa isip ko ang pag-aaral. Hanggang sa tumagal na ako at hindi ko na namamalayan na ilang taon na pala ako sa SM. Kulang-kulang na 20 years din ako doon. Parang doon ko na ibinuhos lahat ng panahon ko sa pagtatrabaho hanggang sa makapag-asawa ako at makapagpalaki ng mga anak.

Apat ang mga anak ko. Ang panganay ay babae, 18, at ang ang pangalawa ay lalaki, 17. Dapat ay nassa college na sila pero dahil hindi ko kakayaning mapag-aral sila, sila yung nakatigil ngayon. Ang mga sumunod ay lalaki at babae na kapwa nasa elementarya.

Ang panganay ko ay may asawa na at isang anak. Ang pangalawa ko ang kasama namin sa bahay. Pag umaalis kaming mag-asawa, siya na ang tumitingin sa kapatid niyang bunso. Yung pangatlo ay andun sa kapatid ko sa Project 4.

Kung sa pagbabadyet, hirap na hirap talaga kami. Kapos na kapos yung kinikita namin. Yung kapatid ko sa Project 4 ang sumusuporta sa amin para sa pang-araw araw naming gastusin. Sa maliit naming allowance na mag-asawa at sa suporta ng kapatid ko umiikot ang mundo namin.

Mga mithiin sa pag-oorganisa

Sa panahon ngayon, kailangang kailangan ang pag-oorganisa dahil sa matinding krisis natin. Talagang tuluy-tuloy na ang pagkilos naming mag-asawa. Baka yung pangalawa ko ay makasama na rin namin sa pag-oorganisa. Hindi malayong ang mga maliliit ko ay patungo na rin sa ganoon kasi hindi pa man sila nag-aaral ay kasa-kasama na namin sa pagkilos ang mga yon.

Isa na lang ang gusto kong makamit, ang ma-organisa at mapagkaisa ang malawak na bilang ng kababaihan para sa pagsulong at pagbabago ng ating bulok na sistema ng lipunan. Ang minimithi ko ay pagkakaisa hindi lamang sa hanay ng kababaihan kung hindi buong mamamayan para sa pakikibaka sa napakatinding krisis na ating kinakaharap. Hangga’t hindi nagkakaisa ang sambayanang Pilipino, hindi talaga mababago ang umiiral na sistema. Mananaig at mananaig pa rin ang pagtindi ng krisis at katiwalian na umiiral sa administrasyon natin ngayon.

(March 2005)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home