Field Trip sa Sipak Maly, Montalban
Sabado ng umaga. Pagkatapos naming magkita sa Jollibee Philcoa, kaming mga magkakaklase, kasama ang aming propesor na si Ma’am Judy Taguiwalo, ay dumiretso na papuntang Sipak Maly sa bayan ng Montalban.
Ang araw na ito ay inilaan para sa field trip ng aming klase sa WD 201. Unang destinasyon, ang pangkat ng kababaihan sa Montalban na ino-organisa ng Amihan. Ang Amihan ay kalipunan ng kakabaihang nago-organisa ng kapwa kababaihan sa kanayunan.
Ang komunidad ng Siapk Maly, matatagpuan sa paanan ng bundok ng Montalban at mararating sa pamamagitan ng pagbagtas sa ilog, ay pugad din ng isang quarrying site. Sa loob ng maraming taon, tinitiis ng mga residente ang ingay at polusyon na dulot ng operasyon.
Nakipag-ugnayan kami sa Amihan upang maisagawa ang field trip na ito at personal na masaksihan at maranasan ang sitwasyon ng mga residente lalung-lalo na ng mga kababaihan. Sa loob ng kalahating araw, kaming mga magkakaklase ay makikipagbahaginan at makikipamuhay sa kapwa kababaihan ng pook na iyon.
Pagkatapos maglakad sa gilid ng ilog at lumusong mismo sa ilog, narating na rin namin ang pook. Sinalubong kami ng mga bata. Tipikal na Sabado. Abala ang mga residente sa kanilang gawaing bahay. May isang babaeng nagsasampay ng kanyang nilabhan samantalang nagsisiluma pa lang maglaba ang isang lalaki sa may kalayuan. Nadaanan din namin ang isang lalaking nagpupukpok ng kahoy.
Humimlay kami sa isang waiting shed na syang pinagdarausan din ng bible study at mga pagtitipon ng barangay o kaya naman ay simpleng pagsasama-sama at pagkekwentuhan. Iyon ang sentro ng barangay. Mula dito ay matatanaw na ang lahat ng kabahayan. Sa tapat ay may itinayong half court ng basketbol na sa kasalukuyan ay pinagdarausan ng laro ng tatlong binatilyo. Sa di kalayuan ay matatanaw rin sa isang bahay ang tatlong binata na nanonood ng boxing match nina Tyson at Williams na nakaharap sa nag-iisang telebisyon sa pook. Andun din at nakatalungko ang ilang kabataan sa may bintana at pintuan at matamang nanonood.
Nakita ko rin ang isang lola na manaka-nakang sinisilip kami mula sa bintana ng kanyang dampa habang idinuduyan ang kanyang apo. Samantala, tumatawid naman sa ilog ang isang nanay kasama ang kanyang anak na binata bitbit ang kanilang mga paninda.
Ito ang dinatnan naming tagpo sa Sipak Maly. Ako ay inatasang kapanayamin si Cherrie, ang babaeng una naming nadatnan na nagsasampay ng kanyang labahin.
“Sandali lang ho,” ani nya. “Sayang kasi ang araw. Hindi ako nakapagbanlaw agad kahapon kasi lumabo ang tubig.”
Ang tubig na tinutukoy niya any ang ilog na naghihiwalay sa komunidad at ang quarrying site. Dito sila naliligo lalo na ang mga bata at dito rin sila naglalaba. Manaka-nakang lumalabo ang tubig pag nagbubuga ng dumi galing sa quarrying site.
Tila hindi na rin nila alintana ang ingay na dulot ng dinudurog na bato at tunog ng trak na paroo’t parito upang hakutin ang mga dinurog na bato.
Mataman ko munang inobserbahan si Cherrie habang nagsasampay. Payat si Cherrie, lampas tenga ang buhok at kayumanggi ang balat. Sa wakas ay natapos na rin siya at nagpaalam na magpapalit muna ng damit. Paglabas, nya, bago na nga ang bihis na damit, nakaputing T-shirt, halatang nagpustura at nagpulbo ng kaunti para sa panayam. Kasama ko na syang bumalik sa waiting shed para sa aming pag-uusap.
Nagsimula na kaming mag-usap. Medyo kimi. Tanong ko, sagot nya. Hindi na masyadong nagpapaliwanag. Parating magkasalikop ang dalawang kamay. May permanenteng ekspresyon sa mukha. Hindi palangiti at madalas ay mataman lang na nakatingin sa akin habang naghihintay ng aking mga katanungan.
Si Cherrie ay isang maybahay na may tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae. Ang asawa nya ay naga-assemble ng sasakyan sa isang pagawaan sa Maynila. Siya ay dating nagtatrabaho sa quarrying site at nanatili rin doon sa lood ng tatlong taon. Lunes hanggang sabado ang trabaho ng kanyang esposo. Umuuwi sya ng sabado ng gabi, linggo lang ang pahinga at pagkatapos ay aalis na uli ng lunes ng madaling araw.
Si Cherrie ang naiiwan para mag-alaga ng mga anak at mag-asikaso sa bahay. Kapag may pasok sa eskwelahan, ganito ang takbo ng buong maghapon sa buhay ni Cherrie: Alas singko, aalis sya at ang kanyang panganay na babae para ihatid ito sa eskwelahan at babalik sa bahay para asikasuhin naman ang pagpasok ng kanyang dalawang anak na lalaki. Pagkatapos ay diretso na sya sa gawaing bahay. Bago mag-alas onse, aalis na naman para sunduin ang anak na babae.
Todo bantay at alaga ni Cherrie ang kanyang anak na babae. Dangkasi ay sakitin ito, me epilepsy at tuberkulosis. Simula nang pumasok ito sa paaralan ay hatid-sundo na ni Cherrie. Ngayon ay nasa huling taon na ang dalaga sa sekondarya. Ayon kay Cherrie, may mga panahon na gusto na nyang patigilin sa pag-aaral dahil nga sa kalagayan nito. Baka nga naman atakihin sa eskwelahan. Ngunit ang dalaga na rin ang nagsabi na kaya nya at pursigido itong matuto. Sa parte ni Cherrie, pinagtyagaan nya talaga ang paghatid-sundo sa anak.
Maselan ang kalagayan ng dalaga. Sa ngayon ay natigil ang medikasyon nito dahil ayon na rin kay Cherrie, hindi epektibo ang binigay na gamot para sa epilepsy. Natigil na rin ang paggamot nito sa TB dahilan sa allergy.
Bukod sa pag-aalaga sa mga bata at pagganap sa mga gawaing bahay, nagtatanim din si Cherrie sa kanilang bakuran na siyang isa sa mga pinagkukunan nila ng pagkain. Ang isa pang libangan nya ay makinig sa radyo.
Si Cherrie ay tubong Dumaguete, Negros. Siya ay nakatuntong hanggang ikatlong baytang ng elementarya at pagkaraka ay namasukan na agad bilang katulong sa edad na nueve anyos. Pagtuntong ng kinse anyos, siya ay nakipagsapalaran sa Maynila at namasukan muli bilang katulong. Dito nya nakilala ang kanyang napangasawa na syang pamangkin ng kanyang amo. Sila ay nagsama at nangupahan. Pagkaraan ay napadpad sila sa Montalban.
Ayon pa kay Cherrie, halos sabay-sabay silang napadpad sa lugar na iyon. Nagmula pa sila sa iba’t ibang probinsya. Lahat sila ay nakipagsapalaran sa Maynila at nagkatagpu-tagpo na sa Montalban.
Bagong lipat din lang sila sa bahaging iyon ng lugar. Dati ay nasa kabilang bahagi sila ngunit napilitang umalis dahil lubos na naapektuhan ng operasyon ng quarrying. Lubhang mapanganib sa dati nilang lokasyon dahil umuulan ng mga pinasabog na bato mula sa site. Ngunit hindi rin naiiba ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Walang puknat ang ingay. Lumalabo ang tubig. Sinusukluban sila ng usok lalo na tuwing tag-init. Marami tuloy ang nagkaka-ubo lalo na ang mga bata.
Ang isa pang problema ay ang pagtaas ng tubig sa ilog lalo na pag tag-ulan. Hindi makaalis ang mga residente. Ang mga estudyante naman ay lumiliban na lang sa klase.
Tinanong ko si Cherrie kung anong mga hakbang ang ginagawa nila ng mga residente upang maibsan ang mga problemang ito. Sa kasalukuyan ay mayroong pagkilala na kailangan nilang kumilos bilang isang organisasyon. Sa tulong ng Amihan, me mga balak patungo rito. Me balak ding mag-organisa ng mga kababaihan. Nilalayon din nila na maipaabot ang kanilang mga hinaing sa kinauukulang lokal at nasyonal na pamahalaan.
Nabanggit din ni Cherrie na walang masyadong pagtitipon na sangkot ang mga residente. Inilahad pa nya na kapag Pasko at Bagong Taon, kanya kanya silang handa. Madalas naman ay dito sila nagkukumpulan sa waiting shed upang mag-bible study o simpleng magkwentuhan lamang.
Ayon pa sa kanya, ngayon lang sila dinalaw ng isang grupo ng mag-aaral. Bukod sa Amihan, meron ding isang grupo na pumunta upang mag-alok ng kabuhayan. Balak nilang magbigay ng pautang na me patong na interes. Nagkaroon ng mga konsultasyon ngunit hindi pa uli bumabalik ang mga ito.
Sa konklusyon ng aking panayam, tinanong ko si Cherrie kung ano ang pangarap nya sa buhay. Isa lang ang sagot nya. Pangarap nya na makatapos sa pag-aaral ang mga anak.
Tinanong ko rin sya na baka me gusto rin syang itanong sa akin.
Aniya, “Sa nakita mong sitwasyon namin dito, ano ang maitutulong mo sa amin?”
Bahagya akong natigilan at napaisip. Naku, baka isipin ni Cherrie at ng iba pang taga-rito na may maiaabot kaming anuman o kaya naman baka isipin nya na ginagamit ko lang sya para sa aking pag-aaral.
Agad ko rin namang nawaglit ang mga yon sa aking isipan dahil bago pa man kami pumunta rito, malinaw naman ang aming layunin. Binigyan kami ng oryentasyon ni Ma’am Judy at ng isang community organizer na taga-Amihan.
Natatandaan ko pa ang mga sinabi ni Ma’am Judy. Kailangang wag naming ihiwalay ang aming mga sarili sa kanila. Sanay na rin naman akong makipamuhay kaya walang kaso sa akin yon.
Sabi ko, bilang estudyante, maipapaabot namin ito sa atensyon ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa Amihan. May dala rin kaming kaunting gamot at nagbabalak na mag-medical mission.
Tinanong ko si Cherrie kung komportable ba siya at inilahad nya ang kanyang personal na buhay sa akin. Oo naman daw at nagpapasalamat din sya sa pagpunta namin. Sa ganang kanya raw ay masaya na sya at may napagkwentuhan siya, may nakinig at nakaintindi sa sitwasyon nya at kanyang mga ka-barangay.
Sa unang pagkakataon, nasilayan ko ang kanyang maluwang na ngiti at bahagyang pagkislap ng mata, indikasyon na ako ay malugod na pinapatuloy nya upang pasukin ang pribadong espasyo ng kanyang buhay.
Tinapos ko na ang panayam at sinabi ko kay Cherrie na lubos akong nagpapasalamat sa tiwalang ibinigay nya sa akin. Nang lumaon ay isa-isa nang nagdatingan ang aking mga kaklase baon ang mga kwentong buhay ng kanilang mga nakapanayam.
Maghahanda na kami para sa isang munting programa at pagtitipon. Sa gitna ng ugong mula sa quarrying site, pinagtagni-tagni namin ang aming mga karanasan bilang babae at patuloy na nakikipagsapalaran sa maingay na ugong ng buhay.
(First Sem, 2004)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home