marami ang nagsasabing magkamukha kami ng tatay ko. hindi lang yon, marami pa kaming pagkakapareho. parehong tahimik (although mas madaldal sya sa akin at mas mahilig makipagkwentuhan), pareho ng mannerisms (yung paghalumbaba at pagtalungko), pareho ng pagkahilig sa history (dati, me nakita akong kopya ng ginawa nyang genealogy ng angkan namin. o kaya naman, natatandaan nya ang mga political events ng mga nagdaang dekada).
pareho rin kaming mahilig magbasa. lagi syang nag-uuwi ng komiks at pocketbooks noong bata pa ako. naiipon pa yon pag natatagalan syang bumaba ng barko. naku, isang upuan ko lang ang mga komiks na yon o kaya naman ay kahit abutin ako ng madaling araw sa pagbabasa at ako na lang ang gising. talaga namang pag natapos ko ay itim na itim na ng mga daliri ko dahil sa papel.
kahit gasgas na ang plot binabasa ko pa rin. lahat meron sya, horror, action, love story. pag me project sa school, yung mga drawing sa komiks ang ginagaya ko. gusto ko rin yung mga love story kasi me kasama pang lyrics ng kanta. ang gaganda ng dibuho doon.
excited ako lagi pag uuwi ang papa. ibig sabihin kasi noon ay maraming pasalubong. mayfair chocolates, chichiria, komiks, laruan at iba pa. noon namang may lagnat ako, tanda ko non naka-pajama pa ako, ayoko syang paalisin at dumamba ako sa likod nya. kaya pag nakikita ko ngayon sa mga koreanovela na pinapasan ng bidang lalaki sa likod ang bidang babae, naaalala ko ang tatay ko. gusto ko uling maranasan yon kasi yon ang isa sa mga nagpasaya sa akin noong bata ako.
me ginawa pa akong kaagagahan noong elementary. byernes noon tapos dumiretso ako sa pier para sumama sa byahe ng papa. e wala akong kadala-dalang damit noon, naka-uniform at school bag pa ako. nagpasabi na lang ang papa sa amin na doon nga ako sa barko dumiretso. tapos noong nasa batangas kami, namasyal kami ng papa sa bayan (ngayon ay city na) tapos kumain kami sa goodah saka sa isang ice cream house. noong sumunod na attempt kong sumama sa barko, ngek, napahiya ko kasi hindi pala iyon ang barko ng papa.
noong grade six ako, tuwang-tuwa ako kasi may sabit (may honor) ako. ang mama at papa ang nagsabit sa akin. kaso pagkatapos noon, nawalan na ng trabaho ang papa. awol daw. sinisisi ko ang sarili ko nun. kung hindi lang dahil sa graduation ko, hindi maa-awol ang papa at hindi sya matatanggal sa trabaho.
unti-unti, dumalang ang mayfair chocolates, chichiria at laruan lalo na pag birthday ko. lagi na ngayong nasa bahay ang papa. parang nag-iba na rin ang pagtingin ko sa kanya. ang hina naman pala ng papa ko e. bakit hindi na sya nakahanap ng trabaho? dapat sya ang bumubuhay sa pamilya, di ba? dapat tinutulungan nya ang mama. naaasiwa tuloy ako pag tinatanong sa school kung ano ang trabaho ng magulang ko. syempre andun pa rin naman ang respeto. mabait naman ang papa. never ko syang sinagot. pero unti-unti na ring nawala ang pagkagiliw ko.
minsan narinig kong sabi ng mama at papa, buti pa raw noong maliliit kami, malalambing at madaling napapasunod. nami-miss na nila (lalo na siguro ng papa ko) yung dati naming buhay, yung dati naming closeness. hindi nya alam, miss na miss ko na rin yon.
ngayong nasa women's studies ako, mas naintindihan ko ang papa. kawawa rin naman ang mga lalaki, may pressure sa lipunan na sila ang bumuhay ng pamilya. pag hindi ito natupad, ang tingin sa kanila ay mahina, ander, kahiya-hiya, walang kwenta. buti na lang mabait talaga ang papa. walang kaso sa kanya kung sya ang magluto at magtrabaho sa bahay. kesa nga naman mag-inom at maging pabigat pa.
dito na rin pumapasok yong hindi natin pagpapahalaga sa gawaing bahay. ang nakikita lang natin ay yung sweldo o perang iniaakyat sa pamilya (productive/public). pero, sabi nga sa women's studies, dapat ay pahalagahan din ang reproductive/private work. kabilang dito ang paglalaba, pagluluto, pagkukumpuni, pag-aalaga sa mga anak. bakit, di ba nga kaya me nakakapagtrabaho (kalimitan ay lalaki) ay dahil may naiiwan sa bahay (kalimitan ay babae) para gampanan ang mga gawain dito?
subalit, oo nga't me mga lalaki na tumutulong na ngayon sa gawaing bahay pero ang babae pa rin ang syang me pangunahing responsibilidad dito. oo nga't me mga babae na ring nagtatrabaho at kumikita pero ang tingin dito ay supplementary lamang sa kita ng lalaki. ang lalaki pa rin ang inaasahang kumita ng pera.
paano kung nagkabaligtad at ang babae na ngayon ang kumikita at ang lalaki na ang naiiwan sa bahay? ewan ko kung ano ang saloobin ng mama ko tungkol dito. kumbaga, ang mga ganitong bagay naman ay hindi masyadong napag-uusapan dahil na rin nga taliwas ito sa inaasahan o nakagawian sa lipunan. pero laganap na rin o dumarami na rin itong mga tinatawag na househusbands lalung-lalo na sa lumalalang krisis pang-ekonomiya. kung tutuusin, nagtatrabaho rin naman ang papa, wala nga lang katumbas na kita. hindi nga lang tinuturing na lehitimong trabaho.
ang kapatid kong lalaki, kahit me trabaho sa opisina e simple rin lang ang buhay. ayaw nyang tumira pa sa ibang lugar. parang kuntento na sya sa amin, nag-aalaga ng kanyang mga manok at kambing, nakikipag-inuman minsan sa mga kabarkada, mabait ding katulad ng papa, iniintrega ang sweldo nya sa mama at humihingi na lang ng allowance (at malapit na sigurong mag-asawa). sila ang mga lalaki sa buhay ko.
AT PROUD NA PROUD AKO SA KANILA!
Belated happy birthday Pa.