Friday, April 01, 2005

Talumpati ni Ginang Glenda Mazon-Barcelona

(Punong Tagapagsalita sa Pagtatapos ng mga Mag-aaral sa Mababang Paaralan ng Silonay, ika- 30 ng Marso, 2005)

Sa ating punong-guro _____, punong barangay Venecio Vergara, mga guro, mga barangay kagawad, mga panauhin at kaibigan, mga magulang, mga ka-barangay, at higit sa lahat, sa mga mag-aaral ng Mababang Paaralan ng Silonay na magtatapos sa umagang ito, isang magandang umaga.

Marso taong 19__, ako rin ay nagsalita sa paaralang ito, sa aking barangay na sinilangan, sa harap ng aking mga kamag-aral at mahal sa buhay, pagkatapos gawaran ng pinakamataas na parangal sa mga magsisipagtapos sa taong iyon.

Ngayon, __ taon ang nakaraan, nandirito uli ako sa entablado at nagtatalumpati bilang produkto ng kapita-pitagang institusyon na ito, bilang ina ng aking dalawang anak na kapwa nag-aaral dito, at bilang kinatawan ng ating pamayanan.

Masasabi kong isa sa mahalagang bahagi ng aking buhay ay ginugol ko sa paaralang ito. Ito nga raw ay itinuturing na pangalawang tahanan, kumanlong, pumanday at naghanda sa amin upang maging mag-aaral ng buhay.

Mga minamahal kong mag-aaral, hindi na kailangang sambitin pa na ang edukasyon ay mahalaga sa pagseguro ng inyong magandang kinabukasan. Mga magulang, hindi na kailangang sabihin pa na ang edukasyon ang siyang inyong tanging maipamamana sa inyong mga anak.

Ngunit ang realidad ay malaking bahagdan pa rin ng populasyon ang hindi nakakapag-aral o kaya naman ay hindi nakatapos ng pag-aaral. Sadyang laganap na ang kahirapan. Lagi nating naririnig sa mga usap-usapan, kawawa naman si ganito at hindi nakapagtapos, hindi tuloy makahanap ng magandang trabaho.

O kaya naman, sayang naman si ganito, pinapag-aral na nga ay ayaw pa. Tamad kasi, sinayang ang oportunidad na dumating sa kanya. Ang realidad ay libu-libong mga kabataan ngayon, kahit na yaong mga nakapagtapos sa mga pangunahing pamantasan sa bansa, ay nahihirapang makahanap ng trabaho at ni walang trabaho na nakalaan para sa kanila.

O kaya naman ay ito, “Akalain mo yun. High school graduate lang si ganito ngunit umasenso sa buhay at nakapag-abroad. Nakakapagpadala na ng pera sa magulang, pinaayos ang bahay at nakabili pa ng DVD player at tv.” Naitatanong tuloy natin sa ating mga sarili, “Edukasyon nga ba ang susi sa pagkakaroon ng maalwang buhay?”

Tunay na hindi matatawaran ang kontribusyon ng edukasyon. Ito raw ang pasaporte sa tagumpay, sa pagkakaroon ng maganda at permanenteng pagkakakitaan at kaalinsunod nito ang pagbibigay-ganansya sa mga pangangailangan ng pamilya. Malaking bahagi ng kultura nating mga Pilipino ang konsepto ng utang na loob lalung-lalo na sa pamilya. Kaya naman, gagawin natin ang lahat makapagpadala lang ng tulong pinansyal sa ating mga magulang o mapag-aral ang ating mga anak at kapatid.

Ngunit paano kung hindi mo matupad ang iniatas na responsibilidad ng pamilya? Paano kung hindi mo matupad ang ekspektasyon ng pamilya, ng lipunan? Mga minamahal kong mag-aaral, hindi lamang sa diploma nasusukat ang inyong pagkatao. Ngunit hindi ko naman sinasabi na huwag na kayong mag-aral.

Sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo man mapagtanto ngayon, sinisiguro kong pag nasa labas na kayo ng paaralan, pag andon na kayo sa mas malawak na tunggalian ng buhay, saka nyo mapapahalagahan ang mga natutunan ninyo sa paaralan. Kaya sa ganito kaagang bahagi ng inyong buhay, nawa ay matutunan ninyong pasalamatan na nakapag-aral pa kayo. Nawa ay inyong pahalagahan ang panahong ginugugol ninyo sa apat na sulok ng inyong paaralan, sa mga guro na walang pagod na nagbabahagi ng kanilang kaalaman at sa inyong mga kapwa mag-aaral na marahil ay may mabubuo na pang-habangbuhay na pagkakaibigan at relasyon.

Hindi lamang Math, Science at English ang inyong dapat matutunan kung hindi ang mga values na gagabay sa inyong paglaki. Higit kailanmpaman, sa ganyang estado ng inyong buhay ninyo dapat matutunan ang mga ito dahil sa ganitong yugto kayo nagkakaroon ng konsepto ng tama o mali, madiskubre ang inyong identidad at responsibilidad sa pamilya, sa komunidad at sa lipunang inyong ginagalawan.

Hayaan nyo ring gamitin ko ang oportunidad na ito upang mapasalamatan ang aking nanay, si Rosalina, na siyang naging ilaw at inspirasyon ko, sa aking mga kapatid, kamag-anak at ninuno na naging saksi at bahagi ng institusyong ito. Sa aking dalawang anak, kay John Albert at Kristel Diane na ipinagkatiwala ko sa mapagkandiling kamay ng ating mga guro, at sa lahat ng magsisipagtapos, nawa ay lumaki kayong mabubuting anak at mamamayan at maging magandang halimbawa sa inyong kapwa.

Ilang taon mula ngayon, sa pagtahak nyo sa iba’t ibang landas, may matitira at aalis patungong malayong lugar. Sa paghabi ng inyong pangarap, may papalaot sa kani-kanilang karera at mayroong makakatagpo ng kaligayahan sa pagiging maybahay (At hindi ko sinasabing ang maybahay ay mga babae lamang). Tandaan ninyo, ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa taas ng pinag-aralan, sa yaman o kasikatan. Ito ay nasusukat sa pakikipag-kapwa tao, kung gaano ninyo na-touch ang buhay ng ibang tao. Ngunit syempre, hindi rin naman masama kung me sapat na laman ang bulsa, kung higit pa ay lalong mas maganda.

Ilang taon mula ngayon, nakasisiguro ako, babalik at babalik kayo, tayo, dito sa ating paaralan. Mga minamahal kong magsisipagtapos, congratulations at muli, magandang umaga.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home