Wednesday, June 21, 2006

Kung ano mang apoy yan...

Announcement muna. Speaker si Rep. Teddy CasiƱo ng Bayan Muna party list sa forum tungkol sa charter change. Ito ay gaganapin bukas, 9-11am sa UP Manila Social Hall (8th floor ng PGH).

Thesis na ako! Balak ko kahit mag-extend ng isa pang sem para naman mas maayos yung output ko. Balak ko ring ituloy na lang iyong topic ko sa fieldwork, iyong tungkol sa labor subcontracting, para mas madali para sa akin at mas mapalalim ko pa ang pag-aaral tungkol dito. Me isa pa akong plano. Kung matuloy yon, malaki ang magiging pagbabago. Magagawa ko ang matagal ko nang gustong gawin. Sabagay, pagkatapos ng college, iyon na naman talaga ang naiisip ko. Ngayong patapos na ako ng MA, ganun uli ang moda ko. Nakakatawa nga, yung iba nage-MA para mas maging competitive sa job market (salary, qualifications). Tapos heto ako, taliwas sa agos. Tanong nga sa akin ng aking CO sa fieldwork, ano raw ba ang magiging trabaho ko pagkatapos, ang maging organizer din? Mas kahanga-hanga sila. Eto kami nag-aaral ng MA samantalang sila ang bihasang-bihasa na sa gawaing ito kahit walang kakabit na college o MA diploma.

Naalala ko tuloy yung binahagi ni Dr. Ryan Guinarao. Yung kapwa raw nya mga doktor, tumulak na sa ibang bansa. Sabi ng mga doktor na ito, mas makakatulong daw sila sa bayan kung may pera na sila. Sabi naman ni Dr. Ryan, hindi mo na kailangan ng maraming pera para makatulong. Ang ibinubuhos nyang time at effort ay sapat na. Ngayon, bukod sa pagtuturo sa St. Louis University, isa rin syang community organizer. May plano rin syang magkampanya sa pagtatalaga ng mga school nurse sa mga pampublikong paaralan. Katwiran nya, maraming taon ang ginugugol ng mga kabataan sa paaralan. Di nga ba't mas mabuti kung mayroong permanenteng nurse na tututok sa kalusugan at kapakanan ng mga ito? Ngunit syempre, ang realidad ay marami nang nurse na naga-abroad. May pag-asa pa. Marami ring katulad ni Dr. Ryan. Ang galing. Hanga ako sa kanya. Hanga ako sa mga taong katulad nya.

Maraming pinapatay na peryodista at human rights activists sa mga probinsya. Marahil nga hindi ito ang tamang panahon para sa mga taong tumataliwas at tahasang lumalaban sa agos. Ngunit mapipigilan mo ba kung ang apoy ay nag-aalab na?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home