Ang "The Da Vinci Code" at ang Papel ng Kababaihan sa Kasaysayan
Hindi ko pa nababasa ang "The Da Vinci Code". Una kong narinig ang tungkol dito noon lamang 2004 mula sa aking dating boss sa isa sa mga pagpupulong namin. Binanggit daw sa aklat na hindi raw naman talaga prostitute si Maria Magdalena katulad ng alam ng karamihan kung hindi katuwang ni Hesukristo. Ito pa nga raw ang tunay na punong disipulo kung hindi nga lamang nagkaroon ng tunggalian ng kapangyarihan sa pagitan nila ni Pedro. Sa huli, namayani ang pwersa ng kalalakihan na siya nang katangian ng lipunan noong mga panahong iyon.
Kahapon, isa ako sa mga nanood sa unang araw ng pagpapalabas ng "The Da Vinci Code" sa mga sinehan. Ilang buwan bago pa man ito ipalabas ay maraming tumututol na grupo katulad din noong nalathala ang libro nito. Asulto raw ito sa relihiyong Katoliko at puro mga kasinungalingan. Tungkol naman sa mismong pelikula, hindi gaanong paborable ang mga reviews. Overhyped lang daw ito.
Ngunit higit sa usapin ng umano'y anomalya at sabwatan sa loob ng Simbahang Katoliko, mas tumatak sa isipan ko ang sadyang pagbura ng mahalagang papel ng kababaihan, partikular nga ni Maria Magdalena, sa kasaysayan. Posible nga ni si Maria Magdalena ay naging asawa ni Hesus at naging pangunahing kaagapay nito sa kanyang mga gawain. Sinuportahan pa ito ng mga re-enactment sa pelikula na bago pa man naging impluwensyal ang Kristiyanismo, ang mga pagano ay sumasamba na sa mga goddesses. Ngunit sinupil ito at di ba nga ang imahe na ng mga pagano ay primitibo, hindi sibilisado, nangangain ng tao? Maging ang mga witch o iyong mga manggagamot ay hindi nakaligtas. Dahil labag umano ito sa Kristiyanismo, pinagbawalan sila sa kanilang mga gawain. Ang sinumang maakusahan ay sinusunog ng buhay at pinapahirapan. Di ba nga't ang imahe ng mga witch ay mangkukulam at kinatatakutan?
Mapapanood din ito sa mga dokumentaryong, "The Burning Times" at "Goddess Remembered" na pangunahing materyal sa kurso ng mga first year ng Women and Development.
Saludo ako sa "The Da Vinci Code" sa pagpapalutang ng kababaihan sa kasaysayan na matagal nang dinodomina ng kalalakihan. Sadyang malaking pader ang bubuwagin upang maipagpatuloy ito. Ang aklat at ang pelikula ay mga naging instrumento upang magkaroon ng kamulatan at magkaroon ng dekonstruksyon ng mga pangyayari sa kasaysayan na tinanggap natin bilang katotohanan.
Kasinungalingan o katotohanan? Ito ang katotohanan para sa akin.