kawawa naman si luisa* hiniwalayan ng asawa. me lalaki raw kasi. e paano naman lagi na siyang pinagdududahan ng asawa nyang si carding at biyenan nyang si menang e wala naman syang ginagawa. wala pa. hanggang umentra si diego na matagal nang me gusto ke luisa. nakakataba ng puso ang atensyon. me nahihingahan din sya ng sama ng loob. paano naman, lagi syang sinasaktan at pinagsasalitaan ng masama ni carding. hanggang pag-uusap lamang sila at wala nang higit pa dun.
nalaman ni carding at tagos hanggang langit ang pagkasuklam nito sa asawa. hiniwalayan kaagad si luisa. inaamin naman ni luisa na nagkamali sya. in-entertain pa kasi niya si diego. ayaw nang makipagbalikan sa kanya ni carding. wala pang isang buwan ay may girlfriend na agad ito at balik na naman sa buhay pagkabinata, inom at barkada.
pinauwi na si luisa sa kanyang mga magulang. pati mga kapatid at magulang niya ay galit sa kanya. lalong mahirap kasi nawalay sya sa kanyang dalawang anak na ke babata pa. umaasa pa rin sya na magkakabalikan silang mag-asawa.
ang hirap, hindi lamang si carding ang nagpapasakit sa kanya kundi ang mga tao sa paligid nya. sinisiraan sya, kinukutya. gago naman kasi itong si carding, sobrang matigas. sa isang banda, nakakaawa rin sya dahil nagpadala sya sa pressure ng lipunan. kapag ang babae kasi ang nanloko, sobrang hindi katanggap-tanggap. samantalang pag lalaki, hinahayaan na lang. pogi points pa nga ito kasi kaakit-akit pa rin umano sila kahit may asawa na. pag lalaki ang niloko, parang iniputan na rin daw sa ulo, nakakabawas sa pagkalalaki.
away mag-asawa/magpamilya yan, labas na tayo dyan. yan ang madalas na maririnig natin. pero kung tutuusin, ang tunggalian sa pagitan ng mag-asawa ay salamin ng tunggalian laban sa patriyarkiya.
kaya nagiging helpless ang babae, feeling nya wala syang kakampi kasi ang patriyarkal na lipunan mismo ang kumakalaban sa kanya. kahit nga sa mga kapwa nya babae ay hindi sya nakakaligtas sa pangungutya. sobrang malalim ang pinag-ugatan ng simpleng hiwalayan ng mag-asawa. hindi ko naman kinukunsinti ang pagtataksil. ang sa akin lamang ay sana ay mas lawakan pa ang pang-unawa.
sayang ang relasyon nina luisa at carding. sana magkabalikan sila. pero kung patuloy pa ring sasaktan ni carding si luisa, pisikal at lalo na emosyonal, kung patuloy nitong isusumbat ang mga pagkukulang nito, wag na lang.
*ang mga pangalan ay halaw sa mga karakter ng gulong ng palad.